KALINGA PROVINCIAL HOSPITAL INIREKLAMO SA PAGKAMATAY NG PASYENTE

RAPIDO NI TULFO

INIREKLAMO sa amin ang Kalinga Provincial Hospital dahil daw sa kapabayaan nito nagresulta sa pagkamatay ng kanilang pasyente sa panganganak.

Ayon sa sumbong ni Gng. Bernadine Sanchez na taga Kalinga Mountain Province at isang OFW, kasalukuyan siyang nasa bansang Saudi Arabia nang mangyari ang insidente na nagresulta sa pagkamatay ng kanyang anak na si Claire.

Itinakbo raw si Claire sa naturang pagamutan matapos na humilab ang tiyan nito dahil dumating na ang kabuwanan nito para magsilang noong Agosto ng nakaraang taon. Binibigyan daw siya ng update ng kanyang manugang at ng isa pa niyang anak hinggil sa kalagayan ni Claire. Ayon sa kanyang manugang, humiling na sila na i-undergo sa caesarian operation ang kanyang asawa dahil humihiyaw raw ito sa sakit ng tiyan. Pero ipinagpilitan pa rin daw ng gynecologist nito na si Dra. Chary Agod at Honoria T. Nina na gawing normal ang delivery ng bata.

At matapos nga mailabas ang bata doon na raw nagkaproblema dahil sinabihan daw ang kanyang manugang na kinakailangan daw ilipat ang asawa nito sa Cagayan Provincial Hospital na ubod nang layo mula sa Kalinga Provincial Hospital, dahil dinudugo na ang pasyente.

Naisilang daw ang kanyang apo ng ala-una ng madaling araw matapos ang walong oras na labor. Hindi raw nila matanggap ang paliwanag ng mga doktor na ibinalik daw ang “placenta” sa loob ng matris ng kanyang anak.

Sa amin namang panayam sa direktor ng Kalinga Provincial Hospital na si Dr. Rey Arangca, sinabi nito na inverted daw ang uterus ni Claire na naging dahilan ng kanyang bleeding o hemorrhaging. Sa tanong naman kung bakit nag-aalok sila ng P50,000 sa complainant, sinabi nito na hindi raw ito settlement bagkus ito raw ay abuloy.

Sa naturang komprontasyon sa aming programa na umeere sa DZME 1530khz, matapang naman na itinanggi ni Gng. Sanchez na abuloy ang perang ibinibigay at nanindigan na ito raw ay settlement o bayad para hindi na sila magsampa ng kaso.

Natatakot din daw si Dr. Arangca na pumutok sa social media ang isyu dahil baka ma-relieve o masuspinde ito ng DOH dahil sa pangyayari.

Inilapit na namin sa Death Investigation Division ng National Bureau of Investigation (NBI) ang reklamong ito.

313

Related posts

Leave a Comment