KALIWA’T KANANG AMBUSH INCIDENTS NAKABABAHALA NA

BALYADOR ni RONALD BULA

NITONG Lunes pumunta sa Kongreso si Philippine National Police (PNP) chief, Police General Rodolfo Azurin Jr.

Ito’y upang tumugon sa urgent meeting na ipinatawag ni House Speaker Martin Romualdez sa PNP at Department of the Interior and Local Government.

Ayon kay Azurin, magpapaliwanag sila kay Romualdez hinggil sa serye ng ambush sa mga politiko.

Dito ay magpiprisinta sila ng mga datos tungkol sa mga patayan at magbibigay ng updates sa mga nangyaring pananambang sa mga politiko.

Paliwanag ni Azurin, ipinatawag sila sa Kongreso para alamin kung ano ba ang mga pangangailangan at pagkukulang ng PNP.

Posible kasing matulungan ng Kongreso ang PNP pagdating sa kagamitan, pagsasanay at dagdag na pondo para mapaigting pa ang kanilang kakayahan sa paglutas ng krimen.

Binigyang direktiba na rin ni PNP Chief Azurin, ang lahat ng police regional directors na magsagawa ng threat assessment sa mga politiko sa kanilang nasasakupan.

Ayon kay Gen. Azurin, gusto niyang malaman kung ang sunod-sunod na pag-atake sa mga politiko ay may kaugnayan sa isa’t isa.

Ani Azurin, ang threat assessment ay para malaman kung sinu-sino sa mga politiko ang nanganganib ang buhay, upang makapagpatupad ng kaukulang security precautions.

Samantala, inihayag naman ni Department of the Interior and Local Government Secretary Benjamin “Benhur” C. Abalos, Jr., na ipinatutupad ang mga programang “Buhay Ingatan, Droga’y Ayawan o BIDA, Bayanihan ng Mamamayan Fun Run, at Serbisyo Caravan, na tinatrabaho na ng Philippine National Police ang mga insidente ng pananambang sa ilang local officials nitong mga nakaraang araw.

Inatasan na rin ni Abalos ang PNP na mas paigtingin pa ang kampanya laban sa private armed groups at ilegal na armas o loose firearms sa bansa, lalo na sa bahagi ng Mindanao.

Ayon pa kay Abalos, nagbigay rin siya ng direktiba sa PNP na paigtingin ang police visibility sa mga komunidad para magdalawang-isip ang mga masasamang-loob at mapanatag din ang kalooban ng mamamayan.

Hiniling din ng kalihim ang pakikiisa at pakikipagtulungan ng publiko sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa bansa at sinabing hangad ng DILG na ang publiko ay maging katuwang sa paglaban sa kriminalidad at pagsugpo sa mga grupo o indibidwal na sumisira sa ating bansa at nagtatanim ng takot sa puso ng mamamayan.

Matatandaan na nitong nakalipas na mga araw ay inambush sina Lanao del Sur Governor Mamintal “Bombit” Alonto-Adiong, Jr., Vice Mayor Rommel Alameda ng Aparri, Cagayan, at ang pinakahuli ay si Mayor Ohto Montawal ng Tunggol, Datu Montawal, Maguindanao del Sur. Nakaligtas si Gov. Adiong at Mayor Montawal samantalang napatay naman si Vice Mayor Alameda.

Nababahala naman ang simbahan sa sunod-sunod na pagpatay sa mga politiko.

Tutukan natin!

@@@

Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email lang sa balyador69@gmail.com.

130

Related posts

Leave a Comment