KAMAG-ANAK INCORPORATED SA BI

BISTADOR Ni RUDY SIM

HINDI masama na tumulong sa ating mga kamag-anak ngunit kailangan din minsan ng limitasyon lalo’t sa ilang mga kawani ng gobyerno kung saan mahigpit na ipinagbabawal ang abusuhin ang kanilang kapangyarihan para sa kanilang pansariling kapakanan.

Nabansagan na kamag-anak incorporated ang mga magkakapamilya na nasa puwesto sa gobyerno, family enterprise ika nga o negosyo ang tawag pa ng ilan sa ganitong gawain. Mula nepotismo, padrino system at political connections ang ilan sa mga dahilan upang lumawig ang kontrol ng mga makapangyarihang pamilya sa ­gobyerno.

Ayon sa Civil Service Commission, maituturing umanong isang uri ng korapsyon at pang-aabuso sa kapangyarihan kung ang isang opisyal ay nagtatalaga ng kanyang mga kamag-anak sa puwesto, ito ay mahigpit na ipinagbabawal hanggang third degree at hanggang fourth degree naman sa lokal na pamahalaan.

Ang lumang kalakaran na ito ay isa sa mga dahilan upang lalong napagtitibay at nakokontrol ng iilang pamilya na karaniwan ay nauuwi sa katiwalian, pang-aabuso at paghina ng demokrasya at good governance sa bansa.

Isa na marahil ang Bureau of Immigration (BI) dito na marami sa mga opisyales ang ginagamit mismo ang kanilang puwesto upang bigyang pabor na mabigyan ang kanilang mga kaanak, kababayan o kaibigan ng pagkakataon na maipasok sa ahensya at minsan naman ay naaabuso dahil sa mabilis na promotion ng iilan, kahit hindi qualified.

Isang lalaking job order employee ng BI umano na si alias “Abner” ang inirereklamo ng ilang opisyales at tauhan ng ahensya dahil sa hindi magandang inasal nito at idinulot na gulo noong panahon ng pandemya sa bansa kung saan ay nahuli sa pamamagitan ng cellphone video ang panakit nito sa isang matandang babae na nagtungo upang ayusin ang kanyang visa sa bansa.

Hanggang sa nagreklamo ang biktima sa pulisya dahil sa pananakit sa kanya ngunit nang magresponde ang mga pulis ay hindi umano lumabas at nagtago sa ilalim ng lamesa ang suspek? Dahil dito ay agad na kinasuhan umano si alias “Abner” na naglagak ng piyansa.

Inaasahang dapat na kumilos sa nasabing insidente ang ­Administrative division ng BI ngunit tila hindi naging patas ang naging aksyon nito na inilipat lamang sa pang-gabi na trabaho upang itago sa mata ng publiko? Habang ang ibang ordinaryong job order employee ay sibak agad sa kanilang trabaho. Totoo kayang dahil sa bayaw ito ng hepe ng admin? Isang malaking kahihiyan sa ahensya kung hahayaan lamang ito. Attention, Comm. Tan5 at DOJ Sec. Remulla Sir!!

Napag-alaman natin na tinapyasan ang ilan sa kapangyarihan ng Admin at ilan na lamang sa tungkulin nito ang paghawak sa pagpapatakbo ng security personnel sa ahensya. Pero bakit kaya hindi pa rin pinapalitan ni “Madam Inutz” ang OIC ng Odin Security Agency dahil sa kapalpakan nito? Nakikinabang kaya siya rito?

(ANG mga ipinapahayag sa kolum na ito ay ­sariling opinyon ng sumulat at hindi ­saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)

46

Related posts

Leave a Comment