KAPAG KALIKASAN NA ANG USAPAN, WALANG PANAHON?

DPA BERNARD TAGUINOD

DAHIL sa tumitinding init ng panahon, naalala ko tuloy ang mga panukalang batas para sa pagtatanim ng isang bilyong puno na naging sampung bilyong puno sa buong bansa na malaking tulong para maibsan ang nakapapasong init ng araw.

Noong panahon ni dating House Speaker Jose de Venecia Jr., sinimulan ang inisyatibang ito at naipasa ang panukalang ito sa Mababang Kapulungan pero hindi naging batas dahil hindi ito pinalusot ng Senado noong 14th Congress

Isa sa mga pangunahing hadlang sa nasabing panukala ay kung saan huhugutin ang pondo dahil kahit bilhin ng P1 ang bawat seedlings ay P10 billion na ang kailangan at walang seedlings na mabibili ng P1.

Lalong lumabo ang panukalang ito dahil sa hinala ng mga oposisyon noong kapanahunan ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo, na gagamitin ang proyektong ito para sa kampanya noong 2007 midterm election.

Ang ipinasa ng Kongreso ay ang Arbor Day bill na naging Republic Act (RA) 10176 noong September 12, 2012 noong panahon ni dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III.

Sa ilalim ng batas na ito, itinakda ang Hunyo 25 kada taon bilang Arbor Day kung saan inoobliga ang Local Executives sa buong bansa at halos lahat ng ahensya ng gobyerno na magtanim ng puno at ornamental plants sa kanilang lugar na nasasakupan.

Pero wala tayong nababalitaan na kapag Arbor Day, ay magkakaroon ng sabayang pagtatanim ng puno sa mga bayan, siyudad at mga probinsya sa buong bansa tuwing June 25.

Palagay ko, kung nasunod ang batas na ito, malalaki na ang punong itinanim ng local executives noong 2013 at tiyak na napuno na ang kanilang bayan, siyudad at probinsya ng mga puno.

Baka hindi nating nararanasan ngayon ang matinding init ng panahon at walang matitinding pagbaha ang mangyayari kung sineryoso ang batas na ito pero sa obserbasyon ko, imbes na nadagdagan ang mga puno ay mababawasan pa.

Wala akong nakikitang mga bagong puno sa Metro Manila at maging sa mga probinsya, indikasyon na walang sumusunod sa batas na ito dahil kung hindi ay natakpan na ng mga puno ang buong bansa.

Malamang pondo na naman ang problema o talagang walang plano ang mga ito na maparami ang mga puno dahil hindi kikilos ang local executives na walang budget. Ano sila, mag-aabono? Hindi nangyayari ‘yan!

At alam n’yo ba, pinapayagan ng Department of Environment and Natural Resource (DENR) ang pagpuputol ng puno kapag may nagtatayo ng bahay sa mga subdivision sa Metro Manila at hindi inoobliga ang mga tao na palitan ang pinutol na puno?

Palagay ko, hindi na nag-iinspeksyon ang DENR bago mag-isyu ng permit na pwedeng putulin ang puno dahil magtatayo ng bahay ang may-ari ng lupa. Hindi inaalam kung sagabal ba sa itatayong bahay o hindi ang punong pinayagang putulin.

May mga panukala na pagtanimin ng puno ang graduating students pero hindi maipasa-pasa sa Kongreso. Kapag kalikasan na ang pag-uusapan, bakit ba tila walang panahon ang mga pulitiko?

45

Related posts

Leave a Comment