At Your Service ni KA FRANCIS
ANO nga ba ang nais na ipaliwanag ng salawikaing, “Kapag may sipag at tiyaga, may nilaga”?
Sa aking pananaw kung ang isang tao ay masipag at matiyaga ay sigurado ang kanyang pag-asenso at tiyak na hindi siya magugutom.
Lalong naging tanyag ang sipag at tiyaga nang maging slogan ito ng kilalang negosyanteng si Manny Villar.
Si Manny Villar ay binansagan na “Mr. Sipag at Tiyaga” dahil sa inabot nitong tagumpay sa buhay.
Si Manny Villar na lumaking mahirap ay mula sa Moriones, Tondo, nagsikap hanggang sa naging bilyonaryo.
Siya ang kauna-unang full-blooded Filipino na naitala sa Forbes Magazine na kasama sa world’s billionaires.
Sa dami ng pinagdaanang hirap at sakripisyo ni “Mr. Sipag at Tiyaga” ay hindi siya sumuko at ipinagpatuloy niya ang kanyang negosyo.
Habang nagnenegosyo siya ay sinabayan niya ng pag-aaral hanggang natapos siya ng kolehiyo.
Nakatapos siya ng pag-aaral at ipinagpatuloy niya ang pagnenegosyo hanggang sa inabot niya ang pagiging bilyonaryo.
Kung pagbabasehan natin ang kwento ni “Mr. Sipag at Tiyaga” ay hindi naging hadlang sa kanya ang pagiging mahirap para siya makapagtapos ng pag-aaral at pag-asenso sa negosyo.
Marahil ang kanyang pagiging mahirap ang naging instrumento niya para siya magsipag at magtiyaga para makaahon sa buhay hanggang sa siya ay maging isa sa mga pinakamayamang Pilipino.
Ika nga ng iba, hindi makararanas ng gutom ang masipag at matiyagang tao, sa halip ay may pag-asa pa siyang umasenso sa buhay.
Kung masipag at matiyaga na tayo, sabayan pa natin ng pagiging mabait at may paniniwala sa Amang nasa langit, walang imposible na tayo ay aasenso.
Ang isang tao na mabait, masipag at matiyaga ay maraming magtitiwala kaya anomang negosyo ang kanyang pasukin siguradong lalago ito.
Pero kung ikaw ay masama, tamad at walang tiyaga sa lahat ng gawain, ikaw ay lalayuan ng ibang tao dahil posibleng makahawa pa sa ibang tao ang iyong ugali.
May kasabihan pa na nasa “Diyos ang awa, nasa tao ang gawa.” Hindi ka kaaawaan ng Diyos kung magiging tamad ka.
Walang darating sa ‘yong swerte kung ikaw mananatiling nakahiga sa inyong bahay, kung gusto mong kumain at umasenso ay kumilos ka at magtrabaho tulad ng ginawa ng mayayaman sa Pilipinas.
Ang mayayaman ngayon sa Pilipinas ay dugo at pawis ang kanilang naging puhunan bago nila narating ang rurok ng kanilang tagumpay. Walang madali sa pag-asenso, lahat ‘yan ay pinaghirapan.
Sa katunayan nitong nakaraang COVID-19 Pandemic ay maraming mga kababayan natin ang umunlad sa pamamagitan ng online selling.
Ang pag-unlad ay walang pinipiling panahon basta’t ‘wag lang tayong titigil, tuloy lang kahit anong mangyari.
oOo
Bago ko makalimutan, kudos naman sa pamunuan ng Valenzuela Finest Eagle Club sa pangunguna ni Kuya President Jon dela Pena, Kuya Vice President Adel Clemente, at Kuya Secretary Marvin Pacia sa patnubay at pag-sponsor ni Kuya Boss Jose Marie Beqotchea, Chief Executive Officer ng Joechem Environmental Corporation, sa gagawin nilang tree planting sa November 28, 2024 sa Capas, Tarlac.
oOo
Para sa inyong katanungan, maaari po kayong tumawag o mag-text sa cell# 0917-861-0106.
45