KAPALPAKAN NG MGA NAKARAANG ADMIN, SASALUHIN NI PBBM

PUNA Ni JOEL AMONGO

ISA sa mga unang hamong kahaharapin ng administrasyon ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. (PBBM) ay ang nakaambang krisis sa pagkain.

Batay sa World Bank, World Trade Organization (WTO), at June-September 2022 Hunger Hotspots Outlook ng United Nations Food and Agriculture Organization (FAO), at World Food Programme (WFP), patong-patong na krisis ang sanhi ng pinangangambahang kakulangan sa pagkain sa parating na mga buwan.

Sa paliwanag ni Press Secretary-designate Atty. Trixie Cruz-Angeles, ang patuloy na epekto ng COVID-19 pandemic, paiba-ibang panahon, krisis sa ekonomiya, armadong sigalot, pagsipa ng presyo ng langis at enerhiya, pambansang utang, at mga suliranin sa pandaigdigang supply chain dulot ng giyera sa Ukraine at Russia ang mga nakikitang dahilan kung bakit magkakaproblema sa suplay ng pagkain.

Aniya, ayon sa ulat ng mga nabanggit na institusyon at organisasyon, kasama rito ang organisadong karahasan sa ilang panig ng mundo, bagyo, pagbaha at tagtuyot, pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo at enerhiya, at mga pangmatagalang epekto ng giyera sa Ukraine.

Mula nang sumiklab ang sigalot sa pagitan ng Ukraine at Russia, natigil ang shipment ng mga produkto mula sa mga pwerto ng Ukraine sa Black Sea, at bumaba ang bilang ng export shipments ng Russian Federation.

Ayon sa FAO at WFP Hunger Hotspots Outlook, dahil sa giyera at kakulangan ng farm inputs, apektado ang produksyon ng agricultural products at food ­processing sa Ukraine, na nag­dulot din ng epekto sa pandaigdigang suplay ng pagkain.

Tumaas din ang presyo ng fertilizer na lalo pang pinalala ng pangamba sa merkado. Ang 28% ng abono na gawa sa nitrogen at phosphorus ay mula sa Russia at Ukraine.

Sinabi pa ni Angeles, sa nagdaang kaparehong krisis sa pagkain gaya noong 2007-2008, may mga bansang mapipilitang magsuspinde ng export ng kanilang produkto upang matiyak ang sarili nilang suplay ng pagkain at agapan ang pagtaas ng domestic prices sa gitna ng pagsipa ng world prices.

Ang problema nga lang sa Pilipinas, napabayaan ng mga nakaraang administrasyon ang sektor ng agrikultura kaya ayan ang epekto parating na food crisis.

Umasa ang gobyerno sa pag-import ng mga produktong agrikultura na siya mismong pumatay sa lokal na produksyon na nanggagaling sa ating mga magsasaka.

Paano nga naman tatagal ang mga magsasaka kung mismo ang kanilang mga inaani ay hindi nabibili dahil bagsak-presyo ang imported na agri-products?

Imbes na suportahan ng mga nakaraang administrasyon ang mga magsasaka sa kanilang binhi, fertilizer at iba pang farm inputs ay nag-concentrate sila sa pag-angkat ng imported na mga produkto.

Kahit pa patuloy ang giyera sa pagitan ng Ukraine at Russia kung may sapat tayong pagkain na naka­imbak na galing sa mga kababayan nating magsasaka, hindi sana natin iindahin ang nakaambang taggutom sa buong mundo.

Paano na ngayon kung hindi na tayo pagbentahan ng bigas ng kalapit nating mga bansa sa Asya? Nganga na lang ang lahi ni Juan dela Cruz!

NaPUNA rin natin na bago pa umupo si Pangulong Rodrigo Duterte ay pinababayaran sa mga magsasaka ang patubig na nanggagaling sa irrigation project ng gobyerno.

Lumalabas na pinagkakakitaan pa ng gobyerno ang mga magsasaka imbes na libre nila itong ibibigay para makatulong sa mga pananim.

Kawawang PBBM, siya ang sasalo ng mga kapalpakang pinaggagawa ng mga nakaraang administrasyon. Tsk! Tsk! Tsk!

Sana itong mga politiko kakampi ka man o hindi ni PBBM nitong nakaraang eleksyon, ay makiisa sila at tumulong sa administrasyon para sa kapakanan ng mga Pilipino.

Ang Pilipinas ay tahanan ng mga Pilipino kaya magkaisa po tayo para sa ikabubuti ng ating lahi.

oOo

Para sa suhestiyon at ­reaksyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com at mag-text sa cell# 0919-259-59-07.

Related posts

Leave a Comment