KAPATID NI PERCY LAPID MAY DEATH THREAT NA RIN!

PRO HAC VICE Ni BERT MOZO

INAMIN ni Roy Mabasa na mayroon na rin itong natatanggap na pagbabanta sa kanyang seguridad kaya’t hindi na ito dumalo pa sa isinagawang preliminary investigation sa Department of Justice (DOJ) sa kaso ng napaslang na kapatid na si Percy Lapid o Percival Mabasa sa totoong buhay.

Paliwanag ni Roy, pinayuhan siyang huwag na muna lumantad at siguraduhin muna ang kanyang kaligtasan habang hindi pa tuluyang nahubaran ng maskara ang sino mang nasa likod ng pananambang at pagkakapatay sa kanyang kapatid na si Percy.

Samantala, dahil sa mabilis na aksyon ng Department of Justice (DOJ), nasa pangangalaga na ng Witness Protection Program (WPP) ang kaanak o kapatid ng umano’y middleman na namatay sa loob ng New Bilibid Prison (NBP) na sinasabing malaki ang naging partisipasyon sa pagpatay sa mamamahayag na si Percy.

Ayon kay Justice Sec. Jesus Crispin Remulla, ipinasa sa kanila ni DSWD Sec. Erwin Tulfo ang ‘di pinangalanang indibidwal, matapos dumulog kay Tulfo ang naturang personalidad dahil sa pangamba sa kanyang kaligtasan.

Sinabi pa ni Sec. Remulla, hindi lamang isa kundi tatlo katao na ang kanilang pinangalagaan sa ngayon na may nalalaman sa pananambang at pagpatay kay Percy.

Napag-alaman na isang babaeng kapatid ng middleman na si Jun Villamor na namatay sa loob ng NBP, ang nagpasaklolo kay Secretary Tulfo na kaagad naman nitong dinala sa DOJ.

Sa kasalukuyan ay pinoproseso na ang mga dokumento sa pagsasailalim ng naturang mga indibidwal sa Witness Protection Program ng DOJ.

Samantala, hindi naman sinalungat ni DOJ Secretary Remulla ang naging pananaw ng Philippine National Police na ‘person of interest’ na rin si Bureau of Corrections Director General ­Gerald Bantag sa kaso ng pana-nambang at pagpatay kay Percy.

Subalit kinontra naman ni Remulla ng naging pahayag ni Southern Police District Director, P/BGen. Kirby Kraft na case closed na ang kaso ng pagpatay kay Percy.

Ayon sa kalihim, hindi masasabing sarado na ang kaso hangga’t hindi alam ang lahat ng mga detalye at hindi pa kumpleto ang mga testimonya.

Paliwanag pa ng kalihim, napaka-importante ng mga ebidensya na dapat maisumite sa kinauukulan at mahubaran ng maskara ang mga nasa likod ng kaso at mapanagot sa batas upang masabing sarado na nga ang kaso. Sa ngayon ay patuloy ang paggulong ng nasabing kaso.

Dagdag pa ng kalihim, may bagong mga pangalan na sinasabing posibleng may kinalaman sa pagpatay kay Percy, ang nakarating na sa kanyang opisina na nakatakda nilang isumite sa NBI kasama na ang iba pang mga impormasyon na ipinadala sa kanya.

Samantala, plano na rin ngayon ng pamilya ng biktima na kasuhan ng administratibo at kriminal si BuCor Director Bantag.

Sinabi ni Atty. Bertini Causing, abogado ng pamilya Mabasa, dahil sa umano’y kapabayaan ni Dir. Bantag kaya nakapapasok ang cellphone sa Bilibid kung saan nakagawa ng transaksyon ang namatay na middleman, para patayin si Percy.

Ito aniya ang magiging dahilan ng administrative case laban kay Bantag bukod pa sa posibilidad na criminal case na reckless imprudence resulting in murder.

14

Related posts

Leave a Comment