KAPIT-TUKO SA PWESTO

MULING bumida sa balita ang kontrobersiyal na Kalihim ng isang departamento. Dangan naman kasi, sadya yatang kapit-tuko sa pwesto – sukdulang deadmahin ang isinisigaw ng mga taong nais ay mawala na siya sa gobyerno.

Maging ang simpleng parinig ni Pangulong Rodrigo Duterte na nag-alok sa iba ng kanyang pwesto, mistulang walang epekto. Bakit nga naman aalis si Health Secretary Francisco Duque sa kanyang pinamumunuang pwesto gayong malaki pa ang potensyal ng ganansya mula sa mga transaksyon ng kanyang departamento.

Ano nga ba ang pwedeng magpalayas kay Duque sa kanyang trono? Kailangan pa bang umabot sa puntong hiyain siya ng Pangulo?

Ang siste, alam niyang hindi naman gagawin ‘yun sa kanya ni Duterte lalo pa’t bigay ito sa utang na loob bunsod ng kanilang suportang ibinigay noong panahong ito’y kandidato pa lamang sa pagiging Pangulo.

Sa lingguhang pulong ng mga Kalihim sa Palasyo, hayagang inalok ng Pangulo ang puwesto ni Duque kay Fr. Nicanor Austriaco ng OCTA Research Group – isang tagpong nagbunga ng mga katanungan sa tunay na estado ng Kalihim sa gabinete ng Pangulo.

Sa isinapublikong alok na puwesto kay Austriaco, ­posibleng pagod na ang Pangulo sa paulit-ulit na pagtatanggol sa katiwalang puro bulilyaso. Nahimasmasan na nga ba ang Pangulo sa problemang idinulot ng kontrobersiyal na Kalihim?

Kung tutuusin magandang balita ang pag-alis ni Duque sa kagawaran. Subalit sa isang banda, hindi angkop na pababain na lang ang ­Kalihim nang hindi nananagot sa ­kapalpakan ng departamento.

Bago pa man inalok ng Pangulo ang puwesto ni Duque, naglabas ng panibagong pasabog ang Commission on Audit (COA) kaugnay ng iregularidad sa Interim Reimbursement Mechanism (IRM) ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).

Ayon sa COA, malinaw na ilegal ang pagbibitaw ng halos P15 bilyong pondo ng PhilHealth sa mga pribadong ospital kahit pa sa gitna ng isang national health emergency.

Hindi usapin kung liquidated na ang paggastos ng pondo. Ang problema, ayon sa COA, ay ang garapalang paglabag sa Presidential ­Decree 1445 na nagsasabing bawal ang advance payment para sa mga kontratang hindi pa tapos, maliban na lamang kung pahihintulutan ng Pangulo sa pamamagitan ng isang pirmadong dokumento, bagay na hindi nakita ng COA sa mga isinumite ng PhilHealth.

Hindi biro ang kinakaharap na paratang kay Duque – mga inipit na benepisyo ng healthcare workers, ­overpricing sa medical supplies, pagbili ng mga expired na gamot, ang P15 billion scandal sa PhilHealth kung saan siya ang chairman of the board, at marami pang iba.

Sa kabila nito, makailang ulit nanindigan si Duque. Kaya naman sa mga nagsusulong sa pagsibak o pagbibitiw ni Duque… ‘wag umasa! Mabibigo lang kayo.

63

Related posts

Leave a Comment