KARMA SA MGA ‘PAMPANGA NINJA’

SIDEBAR

Kinailangan ng anim na taon bago dumating ang karma sa 13 dating miyembro ng Provincial Anti-Illegal Drugs Special Operation Task Force ng Pampanga Provincial Police Office kung saan dati ring provincial director ang nagbitiw na Philippine National Police chief PGen Oscar Albayalde.

Si PMaj Rodney Baloyo IV ang dating hepe ng PAID-SOTF na ka¬makailan ay naging resource person sa Senate Blue Ribbon Committee kung saan nakita nina Senador Richard Gordon at Panfilo Lacson ang pagsisinungaling ng lider ng Pampanga “ninja cops” hinggil sa Nov. 29, 2013 operation sa Mexico, Pampanga.

Kasama ni Baloyo sa nasabing “ninja operation” sina Senior Inspector Joven de Guzman Jr.; Senior Police Officer 1 Jules Maniago; SPO1 Donald Roque; SPO1 Ronald Santos; SPO1 Rommel Vital; SPO1 Alcindor Tinio; SPO1 Eligio Valeroso; Police Officer 3 Dindo Dizon; PO3 Gilbert De Vera; PO3 Romeo Guerrero, Jr.; PO3 Dante Dizon; at Police Officer 2 Anthony Lacsamana.

Lumitaw sa Senate inquiry na binigyan ng proteksyon ang 13 “Pampanga ninjas” ng kanilang dating hepe na naging PNP chief na si PGen Albayalde. Demotion lang to one rank lower ang naging parusa sa mga nasabing “ninja cops” bukod pa sa pag-assign sa kanila sa Mindanao.

Nakabalik din ang 13 “ninja cops” sa National Capital Region at sa Region 4-A (CALABARZON) noong panahong hepe ng NCRPO si Albayalde at nabigyan pa ng mga assignment ang 13 pulis gaya ng lumabas sa Se¬nate hearing.

Pero dahil nga may karma, nahaharap na sa kasong kriminal at administratibo ang 13 “ninja cops” ng Pampanga at maging si PGen Alba¬yalde ay sinampahan din ng kasong kriminal ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group

Ayon sa amended complaint ng CIDG sa Department of Justice, “criminally liable” si PGen Albayalde dahil tinangka niyang impluwensyahan ang “validation process” sa operation ng “ninja cops” at hindi rin gumawa ng sariling imbestigasyon ang dating Pampanga provincial director nang nalantad na ang mga iregularidad sa Nov. 29, 2013 police operation sa Mexico, Pampanga.

Dagdag pa ng CIDG: “Instead of conducting an investigation [of] his personnel, he rather re-commended the personnel involved for the issuance of award.”

Nahaharap ngayon si Albayalde sa mga kasong “misappropriating seized illegal drugs, graft, qualified bribery, falsification of public documents, perjury and dereliction of duty.” Bagong kaso naman ng “graft, qualified bribery and perjury” ang isinampa ng CIDG laban sa 13 Pampanga “ninja cops”.

Karma pagkatapos ng anim na taon sa “ninja cops” ng Pampanga. Mabilis na karma pa nga iyan na maituturing dahil iyan ay dahil sa matapat na testimonya ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong na dating CIDG director na unang nag-imbestiga sa 13 “Pampanga ninja” noong 2013. (Sidebar / RAYMOND BURGOS)

105

Related posts

Leave a Comment