KARNABAL SA SOCIAL MEDIA

SA gitna ng kinasadlakang dusa, angkop lang marahil na ngitian o tawanan o gawin ang ano mang makapagpapasaya para kahit sandali man lang, matakasan ang ­problema. Ganyan ang mga Pinoy. Matibay, ni hindi halatang may problema.

Sa halip na madismaya sa peligro ng pandemya, kawalan ng hanapbuhay at salat na pagkain para sa pamilya, may kanya-kanyang diskarte ang bawat isa. May nagbubuntong-hininga, at mayroon din namang inaaliw ang sarili sa social media kung saan makikita ang pinakamalaking entablado ng pulitika.

Sa bawat araw na papalapit sa araw ng halalan, dumarami ang palitan ng patutsada, mga meme sa social media at mga inareglong larawang mistulang komiks na noo’y libangan ng masa.

Mayroong napipikon sa tuwing ­nasasaling ang manok sa pulitika, natutuwa sa mala-sirkus na palitan ng ideya. Hindi rin naman magpapaiwan ang paandar ng mga epal, mga larawang retokado gamit ang makabagong teknolohiya, may sumasalag, nangungutya, nakikipag-away at mga nagmumura.

Alin man sa mga ‘yan, ang tiyak, ­ina­abangan, nginingitian hanggang sa hagal­pakan ng tawanan.

Ang totoo, hindi masama ang malibang sa karnabal ng social media. Ang masaklap, pagkatapos maaliw nariyan pa rin ang problema – peligro ng pandemya, kawalan ng hanapbuhay at kumakalam na sikmura.

Ilang kembot na lang, umpisa na ng kampanyahang hudyat ng pinaigting na pambo­bola at pangako sa hangaring masungkit ang asam na resulta gamit ang balota. Sa puntong ito, higit na marapat pumili ng tama. Ibasura ang mga pulitikong sagana lang sa dada, patutsada at patawa.

Lider ang kailangan natin – hindi payaso, hindi kwentista, hindi artista at lalong hindi mga taong nagpapagamit lang sa iba.

Pakatandaan, pagkatapos ng halalan hindi ka na nila kilala.

196

Related posts

Leave a Comment