KASO NG PANGGAGAHASA NAMAN ANG AMING INAKSYUNAN

RAPIDO Ni PATRICK TULFO

ANG rape o panggagahasa ay isang karumal-dumal na krimen na mas pinalala pa kung ang gagawa nito ay ­kadugo pa mismo ng biktima.

Ito ang kasong binigyan namin ng atensiyon sa aming programa matapos na lumapit sa amin ang ina ng biktima upang humingi ng hustisya sa sinapit ng kanyang anak sa kamay ng sariling ama.

Ayon sa salaysay ng ina ng biktima na itago na lang natin sa pangalang “Inah”, umamin ang anak niya sa kanya sa kababuyang ginawa ng kanyang asawa matapos mahuli niya ito sa akto habang sila ay natutulog sa kanilang bahay sa lalawigan ng Quezon.

Nagising daw siya at nahuli sa akto ang panghahalay sa kanilang anak na natutulog sa gitna nilang mag-asawa.

Ayon sa salaysay ng kaawa-awang biktima na nagkaroon na ngayon ng “mental ­disability” dala ng krimen, hindi na nito matandaan kung kailan nangyari ang unang panggagahasa, pero naidetalye nito nang ­malinaw ang mga pangyayari.

Kasalukuyan daw siyang natutulog nang maramdamang may humahaplos sa dibdib at hita niya at nang idilat ang kanyang mata ay nakita ang ama na walang saplot sa katawan.

Tinanong daw niya ang ama kung ano ang ginagawa nito pero hindi raw sumagot at itinuloy ang maitim na balak sa biktima. Hindi raw siya nakapagsumbong sa ina matapos ang insidente dala na rin ng takot na pinalala pa ng banta mula sa suspek nang sabihin nito sa kanya na magpapakamatay ito kung magsusumbong siya.

Halos pagsakluban naman ng langit ang ina ng biktima matapos na lumapit sila sa Municipal Social Welfare Department (MSWD) ng Candelaria, Quezon at sabihan ng kanilang nakausap na hindi naman daw nahuling nakapasok ang ari ng suspek sa anak nito kaya hindi sila binigyan ng sulat para makapagsampa ng kaso.

Pero sa tulong ng programang “Isumbong Mo Kay Tulfo” noong nagpunta ang mag-ina upang humingi ng tulong, ilang taon na ang nakalipas, nakasuhan ang suspek na kinilalang si Ramie Orzal Fabie bago pa magka-pandemya.

At sa wakas matapos ang ilang taon ay naglabas na ng warrant of arrest laban sa suspek ang Family Court, Branch 16 na pirmado ni Judge Patricia Cataquiz-Fidel, sa kasong rape under Art. 266-A in relation to Art. 266-B of the RPC. Ayon sa information na nakalagay sa warrant of arrest, hindi ­pwedeng makapagpiyansa ang suspek.

Amin pong tututukan ang reklamong ito hanggang mahuli ang suspek na nagtatago na ngayon.

9

Related posts

Leave a Comment