Masakit mang tanggapin, ang kaso ng pang-aabuso sa mga kababaihan ay tila pangkaraniwan na lamang. Nangyayari ito sa iba’t ibang bansa sa mundo. Gayunman, iisa ang mga negatibong epekto nito sa mga biktima, ganoon din sa kanilang mga pamilya.
Sa Pilipinas, terible rin ang kaso nito kung saan napakaraming biktima ay patuloy pa ring nagdurusa sa kawalan ng hustisya sa mahabang panahon. Ang masakit para sa kanila ay normal ang buhay at normal na nakalalaya ang mga may sala.
Noong 2016, napaulat na may 4,605 na mga kaso hinggil sa violence against women. Kabilang dito ang rape, acts of lasciviousness, attempted at incestuous rape.
Sa incestuous rape na lang, wala tayong malinaw na record sa Pilipinas kung ilang kaso mayroon tayo niyan. Nangyayari sa loob ng pamilya ngunit walang nagsusumbong dahil sa ito’y maselang bagay. Walang nagsusumbong kaya’t ang epekto ng rape ay lalong mas masakit para sa mga biktima.
Nangyayari ang panggagahasa dahil may rapist at hindi dahil sa kung anoman ang tungkol sa nabiktima.
May taong sadyang marumi ang utak at basura ang pagkatao kaya’t may mga kaso ng rape.
Ang rape ay isang heinous crime. Winawasak nito ang pagkatao, personalidad, buhay at pag-asa ng mga biktima. Kaya ang gawing biro ang rape ay mabigat na kasalanan at hindi dapat pamarisan o bigyang pagtangkilik.
Ang rape ay isang malagim na suliranin ng anumang lipunan ng kahit anong bansa.
Ang totoo, kahit magnumbalik ang batas sa parusang bitay, hindi nito mahihinto ang kasamaan ng rapist. Masakit ding isipin na para bang may rape culture kahit saang lugar.
Sa pamilya, mahalagang ituro o magkaroon ng usapin sa sex sa tamang paraan na maiintindihan ng mga anak lalo na ang mga lalaki kung ano halimbawa ang sexual consent – ano ang ibig sabihin nito, paano ito nangyayari, paano nakukuha ang consent, anong gagawin at mangyayari kapag ang potential sexual partner ay hindi ibinigay ang consent na ito. Isa ito sa mga paraan para malabanan ang rape culture sa lipunan. (Sa Totoo Lang / ANN ESTERNON)
913