KASO VS. CULION MAYOR, BAKIT USAD-PAGONG?

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

MARAMI ang nagtatanong bakit tila raw mailap pa rin ang hustisya para sa dalawang menor de edad na taga-Culion na di-umano’y inatake at binugbog ni Mayor Virginia De Vera at ng mister nitong si Cesar sa loob ng isang presinto at sa harapan mismo ng mga pulis at ng mga magulang ng mga bata.

Ang pinag-ugatan ng pangyayari ay ang pambu-bully umano ng mga biktima sa anak na babae ng alkalde sa isang private group chat sa Messenger.

Nangyari ang insidente noong 2018 at hanggang ngayon ay wala pa ring resolusyon ang hukuman ukol sa isinampang criminal complaint laban sa mga De Vera.

Naka-docket ang reklamo bilang Criminal Case No. CRN-2023-06 kung saan binabanggit dito ang paglabag ng mag-asawa sa Sec. 10, Par. (a) ng Republic Act 7610 o ang “Special Protection of Children Against Child Abuse, Exploitation, and Discrimination Act” subalit nananatili itong nakabinbin sa Regional Trial Court (RTC) Coron.

Ang nasabing batas ay ginawa upang protektahan ang mga bata mula sa pang-aabuso at kalupitan pero dahil usad-pagong sa korte ay tila nawawalan ng bangis ang batas.

Biruin n’yo, matapos maganap ang sinasabing pambubugbog ay ilan taon pa ang lumipas bago tuluyang ma-arraign ang mga akusado noong July 2023. Masyadong delayed naman yata.

Pero bago ito, kahit hindi pa raw nase-serve ng Culion Philippine National Police ang warrant of arrest kina Mayor Virginia at Mr. Cesar ay agad nang dumiretso ang dalawa sa RTC para magpiyansa at diretsong ipabasura ang kaso nila. Mabuti na lamang at hindi ito pinayagan.

Sinasabi rin na masyadong maraming na-cancel sa mga scheduled hearing na makikita sa court records. Parusa ito para sa mga bata dahil kinakailangan nilang bumiyahe mula Culion hanggang Coron via ferry at dalawang beses lang sa isang araw ang biyahe kaya may mga pagkakataon na dumarating sila sa Coron isang araw bago ang nakatakdang pagdinig subalit ipagpapaliban lamang pala ito. Papaano na ang panggastos nila sa pamasahe, pagkain, at tirahan sa Coron?

Masyado nang maraming trauma na inaaabot ang mga bata at puno na rin ng mga pasakit na nararanasan ng kanilang pamilya mula nang ipaglaban nila ang kanilang karapatan laban sa malalaking tao sa kanilang bayan.

Kung sino-sinong tao na rin daw ang nagsadya sa kanilang tahanan upang alukin sila ng pera, trabaho o ‘di kaya’y negosyo para lamang umatras sila. Nakatanggap din daw sila ng pananakot. Pero hindi sila nagpapadala at nananatili silang matatag.

Ayon sa dalawang bata, hindi sila natatakot at kahit pa magdildil sila ng asin ay hinding-hindi nila iuurong ang kanilang criminal complaint laban kina Mayor Virginia De Vera at mister nitong si Cesar.

Bukas ang pahinang ito para sa tugon ng inirereklamong alkalde.

92

Related posts

Leave a Comment