TUMPAK lang ang naging desisyon ni Quezon City Regional Trial Court Judge Manuel Sta. Cruz Jr., ng Branch 226, na ibasura ang mosyon ng kampo ng French pharmaceutical Sanofi Pasteur Inc. at distributor Zuellig Pharma Corp. na gustong ipa-dismiss ang kaso laban sa kanila hinggil sa kontrobersyal na Dengvaxia vaccine.
Numero unong natuwa ay si Public Attorney’s Office (PAO) chief Persida Acosta, na siyang nangunguna sa pagtatanggol sa maraming nabiktima at namatay nating mga kababayan makaraang sila ay maturukan nito, at nagsabing wasto ang naging aksyon ng huwes.
“Tama lang ang kanyang ginawa kasi may hypothetical admission naman ang Sanofi at Zuellig,” ani Chief Acosta.
Ayon kay Judge Sta. Cruz, may sapat na basehan upang magpatuloy ang civil case na nakasampa sa mga executives nito hinggil sa pagkamatay ni Abbie Hedia, 13, noong Pebrero 2018, na naturukan ng Dengvaxia.
“Hypothetically admitting the mentioned allegations together with other facts alleged in the complaint, the court may render a judgment upon the same,” ayon pa sa korte.
Sinisisi ng mga complainants ang Sanofi Pasteur sa kabiguan nitong ipaalam sa publiko ang panganib ng bakuna sa pamamagitan ng pagbibigay-babala o paglalagay ng instruction sa product label.
Samantalang ang Zuellig naman, anila, ay dapat managot dahil sa kanilang pagbebenta ng kontrobersyal na vaccine kung saan may halos 800,000 mga batang mag-aaral ang naturukan.
AYUDA SA MGA MAGULANG SA VALENZUELA AT ‘MAY BALIK SA PLASTIK’
Right on time, ika nga, ang maagang pamimigay ni Valenzuela Mayor Rex Gatchalian ng backpack na may mga lamang textbooks, notebooks, pad paper, pencil case with ballpens, tumbler, lunchbox at marami pang iba sa may 85,000 na mag-aaral mula sa mga pampublikong elementarya at high school sa lungsod.
“Lagi naman po naming ginagawa ito sa aming lungsod at mainam mas maaga na naipamigay sa kanila para matulungan na rin namin ang mga magulang na hindi na mag-alala sa gastusin sa mga gamit ng kanilang mga estudyante.”
Hindi rin maitago ng alkalde ang kanyang excitement sa kanyang latest project na ‘May Balik sa Plastik’ with Nestle Philippines na ayon sa kanya’y tiyak na ikatutuwa at kagigiliwan ng mga mamamayan, kaya abangan natin!
Mas lalo n’ya ring hinimok ang City Hall employees na mas lalong maging dedicated sa kanilang paglilingkod sa mga tao.
“Kung ano ang aggressiveness at intensity ko sa trabaho, x3 ang drive ko ngayon on my last term and I expect na masasabayan ninyo ako. It’s either you’re with me or not on my last term. We’re not slowing down, we are picking up the pace.” (Early Warning / ARLIE O. CALALO)
151