KAWALAN NG HUSTISYA SA MINALTRATONG OFW, LUMOBO DAHIL SA MALING SISTEMA NG REPATRIATION

AKSYON NI CASTILLON Ni DAVID CASTILLON

HINDI matapos-tapos at lalo pang lumala ang mga karahasan na nangyayari sa ating mga Overseas Filipino ­Worker (OFW) sapagkat kakaunti lamang ang bilang ng mga naparurusahang amo.

Ang mga “Memorandum of Understanding” at “Memorandum of Agreement” na nilagdaan ng ating gobyerno ay hindi pa rin naipatupad nang maayos kaya patuloy na kinukumpiska ng mga employer ang telepono at dokumento ng Domestic Helpers (DH) o Household Service Workers (HSW). Sa kasalukuyan, ang recruitment agencies lamang ang madalas na naparurusahan sa kasalanan na hindi naman nila ginawa. Kapag mayroong napapahamak na OFW, ang agad na iniisip ng mga awtoridad ay nagpabaya ang isang ahensya at hindi gumagawa ng aksyon para mailigtas ang ating kababayan.

Ito ay isang maling pananaw sapagkat hindi naman kriminal ang mga may-ari ng recruitment agencies kahit pa siguro sabihin natin na sa ibang pagkakataon ay mayroon talagang pabaya sa kanilang mga tungkulin. Walang may-ari ng ahensya na gugustuhing magahasa o mapatay ang kanyang manggagawa sapagkat posibleng masuspinde o makansela ang kanilang lisensya at maaari pa silang makasuhan. Ang krimen na ginawa ng mga mapang-abusong amo ay hindi dapat ipasa sa mga may-ari ng ahensya kung ito ay hindi naman nagpapabaya.

Napakarami nang kaso ang aking nahawakan na kung saan ay sadya talagang itinatago ng mga amo at kadalasan ay hindi na rin ipinapaalam ng foreign agency ang mga masaklap na pangyayari lalo na sa kaso ng panggagahasa. Kung minsan, ang biktima na mismo ang nakikiusap na huwag na lang itong ipaalam kahit kanino dahil sa kahihiyan na posibleng maidulot maging sa kanyang pamilya.

Isa pang malaking problema ay ang kakulangan sa ating mga shelter, hindi sapat na tulong legal at sapilitang pagpapauwi sa mga biktimang OFW kahit hindi pa nabibigyan ng hustisya o danyos perwisyo. Hindi prayoridad ng ating POLO ang pagsampa ng kaso sa mga mapang-abusong amo. Sa halip, sila pa mismo ang nagbibigay ng payo na umuwi na lamang sa Pilipinas at kasuhan ang kanilang ahensya dahil sa konsepto ng “Joint and Solidary Liability” na kung saan ang kapalpakan ng amo at foreign agency ay itinuturing na kapalpakan ng recruitment agency. Ito ay nakapanlulumong sistema na dapat matigil na sa lalong madaling panahon. Sa ganitong paraan ay nagbubunyi ang mga mapang-abusong amo. Samakatuwid, ang ating “repatriation system” ay siya rin mismong nagpapalakas ng loob ng mga demonyong amo upang patuloy na makapaghasik ng lagim sa ating mga kababayan.

Ang totoong solusyon sa matagal nang problema ng ating mga OFW ay ang mahigpit na pagpapatupad sa kasunduan na nilagdaan ng ating gobyerno dahil ito ay naglalayon na protektahan ang ating mga kababayan sa ibang bansa. Malinaw ang sinasaad ng batas sa R.A. 8042 at R.A. 10022 na ang obligasyon upang protektahan ang ating mga kababayan sa ibang bansa ay nakaatang sa Philippine Embassy at POLO. Ang pagsuspinde at pagkansela sa lisensya ng ating mga recruitment agencies dahil lamang sa kasalanan ng masasamang amo ay magreresulta sa napakalaking problema sapagkat napakaraming manggagawa ang tuluyan nang mapapabayaan at mapahamak dahil sarado na ang kanilang opisina. Hindi kakayanin ng ating gobyerno ang masamang epekto nito dahil mangangailangan nang napakalaking pondo ang pag-aayos ng problema ng mga distressed OFW.

Kung kayo ay may mga katanungan na kailangan ng kasagutang legal, sumulat lamang sa “AKSYON NI CASTILLON” sa email address – castillon.lawoffice@gmail.com

12

Related posts

Leave a Comment