KAWAWA ANG MGA TAO

SA ikatlong pagkakataon, muling isasailalim sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) ang Metro Manila Plus Bubble habang panga-lawa sa iba pang probinsya na may mataas na kaso ng COVID-19 mula kahapon, Agosto 6 hanggang 20.

Ibig sabihin nito ay lockdown. Walang lalabas ng bahay maliban sa mga essential worker kaya makukulong na naman tayo sa loob ng ating mga bahay sa loob ng dalawang linggo.

Kawawa ang mga tao lalo na ‘yung mga arawan ang kita dahil wala na naman silang income kaya ‘yung anong meron sila ngayon ay kailangan nilang tipirin sa loob ng dalawang linggo dahil kung hindi ay magugutom sila at mababaon na ulit sa utang lalo na’t walang kasiguraduhan ang ayuda.

Aabot sa 1.8 million ang mawawalan ng kita sa NCR Plus Bubble at iba pang lugar dahil sa ipatutupad na lockdown para makontrol daw ang paglaganap ng COVID-19 lalo na ang Delta Variant.

Base sa mga eksperto, aabot daw sa P12.9 billion ang mawawalang kita kada araw ng lockdown pero may mga nagsasabi na lagpas ng P18 billion kung sa income ng bawat taong mawawalan ng trabaho at negosyo na titigil.

Ibig sabihin P180.6 billion hanggang P252 billion ang mawawalang kita ng mga tao na nakakalula sa loob ng dalawang linggo at tiyak na magkakaroon ng negatibong epekto sa naghihingalong ekonomiya ng bansa.

Totoo, mas mahalaga ang buhay kesa ekonomiya pero dapat ibalanse dahil baka mas marami ng namamatay sa gutom o marami ang namamatay sa ibang sakit dahil hindi na sila makapagpagamot dahil walang income ang pamilya nila.

Bakit kasi tanging lockdown ang laging sagot ng gobyerno kapag tumataas ang kaso ng COVID-19? Wala na bang ibang paraan? Tayo na sa buong mundo ang may pinakamahabang lockdown pero hindi pa nakokontrol ang pandemya!

Tingin ko lahat ng mga tao ay sumusunod na sa health protocols tulad ng pagsusuot ng face mask, social ­distancing at laging naghuhugas ng alcohol kapag may nahawakan silang mga bagay.

Inoobliga rin tayong magsuot ng face shield kapag lumalabas tayo ng bahay, na tayo lang sa buong mundo ang gumagawa pero bakit hindi bumababa ang bilang ng mga taong nahahawaan ng COVID-19?

Hindi kaya epekto ito ng “orginal sin” ng gobyerno noong nakaraang taon dahil mas binigyan nila ng halaga ang damdamin ng China kesa proteksyunan muna ang mga Filipino sa COVID-19 na nagsimula sa kanilang bansa?

Enero 2020 pa lamang ay nagpositibo na ang isang Chinese national na mula sa Wuhan, China pero Disyembre pa lamang ay marami na ang nagmumungkahi na isara na ang border.

Pero ano ang sagot ng Executive department lalo na si Health Secretary Francisco Duque III? Baka raw magtampo ang China sa atin. Eto ang sinasabing ‘original sin” ng gobyerno.

Mas binigyan nila ng importansya ang sasabihin ng China kesa sa kalusugan ng mga tao kaya hanggang ngayon ay pinagdudusahan ng sambayanang Filipino ang kasalanang ito ng gobyerno lalo na si Duque.

Nang makumpirma na positibo sa COVID-19 ang Chinese national noong ­Enero 2020, nanawagan ang mga tao na mag-lockdown na at paigtingin ang contact tracing para ma-isolate ang mga taong nakasalamuha ng dayuhang ito pero sabi ng gobyerno wala pa naman daw ­community transmission at kalagitnaan na ng Marso 2020 nagkaroon ng lockdown kung kailan marami na ang tinamaan ng virus.

Dahil sa mga kasalanang ito ng gobyerno, mahigit 4 ­milyon ang nawalan ng trabaho, nagsara ang mga maliliit na negosyo, nabaon sa utang ang mga Filipino at ngayon muling magpapatupad ng lockdown pero mukhang walang tulong na makukuha ang mga tao habang sila ay makukulong sa kanilang bahay sa loob ng dalawang linggo.

Hindi ko tuloy masisisi ang mga tao na nagdududa sa klase ng pamamahala sa pandemyang ito at magtatanong kung may gobyerno pa ba tayo?!!!

105

Related posts

Leave a Comment