KAWAWANG MGA NAGAGAMIT NG MGA POLITIKO

KAALAMAN Ni MIKE ROSARIO

SA murang isipan ko ay natambad na sa akin ang politika, 1998 nang mag-aral ako sa magulong Lungsod ng Manila.

Namulat at nakisalamuha sa mga maralitang katulad ko, hanggang sa ang nakita namin na alternatibo ay ang pagsuporta sa mga politiko.

Sumuporta sa lokal at national, kaliwa’t kanan ang pinuntahan dala ang prinsipyo at paniniwala na ang taong iyong sinuportahan ay ang tao na unang maniniwala sayo at ang taong siya mismo ang tutupad ng mga prinsipyo at pangako na ipinaglalaban ng mga tao na ang buhay ay kayang ialay para sa politiko na napili.

Nakuha ang minimithi, nagdiriwang ang lahat ng mga taong ‘di mo nakita noong kampanyahan at mga taong sinisiraan pa ang nanalong kandidato, makikita na sila na ngayon ang nasa tabi, at ikaw na nagpakahirap ay nasa isang tabi na, kamag-anak, ­kaklase, kapitbahay, kaaway, kaibigan, lahat ng klase na yata ng K… ang makikita mo na sila na ang naghahari-harian.

Ang mga tao na tumulong ang siya na lamang nakikiusap, sila na ngayon ang nagma-makaawa at sila na rin ang sinisiraan, kawawang Juan, itatapon na lamang matapos na maniwala, magsakripisyo at sumuporta.

Reyalidad ng politiko, kaya nang makita ko ito, nasabi ko na lang, kawawang mga tao, nagagamit sa election, pero ang makikinabang ay ang mga sipsip sa paligid, masakit. Oo, naranasan ko ito nang paulit-ulit.

Kaya gawin na lang ang responsibilidad ng pagboto, pero umiwas na tayo sa prinsipyo na kinakain naman kalakaran sa gobyerno at ng mga taong nakapaligid dito.

Ikaw na hindi umuuwi ‘pag panahon ng kampanya, ikaw na pati pambili mo ng bigas ay itinutulong mo pa, ikaw na sinisiraan at binabantaan ng mga kalaban ng kandidato mo, ikaw na buong puso ang isinuporta mo, pati pagkatao mo, maniwala ka sa akin, ikaw rin ang unang sisirain, ikaw rin ang unang gagawaan ng isyu at ikaw rin ang unang tao na lalayo na lang.

Dahil ikaw lang ang may delicadeza kaya mo ito gagawin, mas mahalaga pa rin kasi sa ‘yo ang iyong pagkatao kesa pakuha sa mga ‘pinangako.

‘Yan ang nakikita natin sa kahit kaninong kandidatong nanalo sa kanilang inaasam na posisyon.

Nariyan din ang mga sipsip na nakapalibot sa isang nanalong kandidato na walang ginawa kundi bumulong at manira sa hindi nila gusto.

Kadalasan pa, ang mga sipsip na hindi naman nagsakripisyo nung panahon ng kampanyahan ay sila pa ang pinaniniwalaan.

Sila ang tinatawag na “ahas” na nasa tabi ng politiko na gusto nila sila ang paniwalaan ng nanalong kandidato.

Layunin nila na ang kanilang gustong tao ang ilalagay sa mga posisyon ng nanalong kandidato.

Kaya kadalasan, ‘pag sila ang pinaniniwalaan ng nanalong kandidato, sila ang pinagmumulan ng pagkasira nito.

Kung hindi ito papansinin ng nanalong kandidato ay mabubulaga na lamang siya na pagdating ng panahon ay galit na sa kanya ang karamihan ng kanyang itinalagang opisyales at ordinaryong mamamayan na magiging dahilan ng pagkasibak niya sa puwesto.

Tumingin din minsan sa labas at pag-isipan kung tama ba ang sinasabi ng nakapalibot sa ‘yo.

Ang isang sipsip na tao ay may pansariling kapakanan ‘yan na gustong gawin.

Ingat po PBBM, baka may ganyan na nakapalibot sa inyo. Isa po ko sa 31M na nagtiwala sa inyo, ayaw namin na maulit \sa inyo ang nangyari sa ama po ninyo (FEM).

oOo

Para sa ano mang reaksyon, tumatanggap po tayo ng suhestiyon, mag-text lamang po sa cell# 09391683316.

160

Related posts

Leave a Comment