KAYA PA BA?

DPA Ni BERNARD TAGUINOD

LAHAT ng mga tao ngayon kasama na ang mga tinatawag na middle class ay ramdam na ramdam ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin lalo na ang pagkain at serbisyo-publiko.

Nakakaiyak ang presyo ng mga bilihin lalo na ang mga gulay na karaniwang binibili ng mga tao para magkaroon ng sustansya ang kanilang kinakain na kailangan ng katawan.

Sumasabay pa ang serbisyo-publiko tulad ng pamasahe, bayarin sa tubig, kuryente at kung ano-ano pa dahil sa paghina ng piso kontra dolyar at hindi mapigilang pagtaas ng ­presyo ng langis sa world market.

Kung umaaray na ang middle class na may regular at malaki-laking income kahit papaano, papaano na lamang ang mga poorest of the poor na naninirahan sa Metro Manila?

Sa probinsya, ang mahihirap na mga pamilya ay bigas lang ang problema nila dahil kahit papaano ay may gulay at alagang manok sa kanilang bakuran bagay na wala rito sa Metro Manila kaya lalo silang nahihirapan ngayon.

Dati-rati, naririnig na natin kung papaano sila magtipid para mairaos lang ang kanilang pang-araw-araw tulad ng karamihan sa kanila na kape na lang sa umaga ang almusal para makatipid ng isang kainan. Paano na ngayon?

Pero may mga kababayan tayo na hindi isinasakripisyo ang pagkain ng kanilang mga anak, kahit ano pang hirap ang kanilang buhay kaya uso na ulit ang pangungutang nila sa kanilang mga kaanak para may makain lang sila.

Dapat magawan ng aksyon agad ang hindi maawat na pagtaas ng inflation rate dahil sabi nga ni dating Pangulong Joseph “Erap” Estrada, “hungry stomach knows no law”.

Ang pangunahing dahilan ng inflation rate ay external dahil sa pagtaas ng presyo ng krudo at paglakas ng US dollar at apektado rin ang lahat ng bansa sa buong mundo pero dapat may solusyon dito ang gobyerno.

Agricultural country tayo, malawak pa rin ang taniman sa ating bansa kaya ‘eto ang dapat nating tutukan para magkaroon ng sapat na supply ng pagkain at walang maidahilan ang mga middleman na kulang ang supply kaya kailangan nilang magtaas ng presyo.

Itigil na rin ang importasyon ng mga produktong agrikultura dahil sila ang dahilan kung bakit hindi nagtatanim ng sapat ang mga magsasaka dahil kapag marami ang imported, binabarat ang kanilang produkto.Mabuti pa ang mga imported na gulay, may siguradong market habang ang mga local produce ay ang mga middleman ang nagdidikta ng presyo pero pagdating sa palengke, ibinebenta nila sa ­presyong hindi kayang abutin ng mahihirap na consumers.Ilang administrasyon na ang nagsabi na bubuwagin ang mga middleman pero hindi nagawa. Hindi ko alam kung bakit. Pero siguro dahil walang kapasidad ang gobyerno na tapatan ang kanilang ginagawa.

Walang post-harvest facilities kasi ang gobyerno na paglalagakan ng mga ani para hindi agad mabulok ang mga gulay at walang industriya para iproseso ang agri products.

12

Related posts

Leave a Comment