KAYA PA BA?

ILANG araw bago matapos ang taon, umaaray na ang publiko sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Habang naghahanap ng diskarte ang mga ­pobre para mapagdugtong ang dulo ng pisi o mawala ang sakit ng ulo kung paano mapagkasya ang nasa bulsa, nagbabadya at handa nang bumulaga sa madla ang sorpresa ng bagong taon.

Sorpresang ­nakadidismaya nga lang dahil tataas pa ang presyo ng ilang pangunahing bilihin.

Sinabi ni Department of Trade and Industry (DTI), Undersecretary Ruth Castelo na 50 hanggang 70 na mga produkto ang magtataas ng presyo sa unang tatlong buwan ng 2023 dahil matagal na itong kahilingan ng mga manufacturer.

Ayon sa opisyal, 30 porsyento lamang ng mga produkto ang tataas at mas marami pa rin ang hindi gagalaw ang presyo.

Paano kung ang sinasabing 30% ay pangunahing pangangailangan? Malaki ang epekto nito sa publiko, lalo pa’t hindi tumataas ang minimum wage. Kawawa ang mga maralita kung walang proteksyon ang mga konsyumer sa patuloy na pagtaas ng bilihin.

Pero, kung sisilipin din ang tayo o kalagayan ng mga manufacturer, may bentahe rin ang taas-presyo dahil maiiwasan ang bawas-produksyon at trabahador ng mga tagagawa ng produkto.

Kaya, ang payo ni Castelo sa publiko na maging wais sa pagbili ng ihahanda sa Noche Buena at Media Noche, ay masasabing pasakalyeng pahiwatig sa mamamayan na maging handa sa nagbabadyang taas-presyo sa 2023.

Lalo pang tataas ang bilihin dahil sa napipintong pagtaas ng catastrophe insurance premium hike na ipatutupad sa Enero 1, 2023 alinsunod sa Insurance Commission (IC) Circular Letter No. 2022-34.

Kaya naghain ng resolusyon ang mambabatas ng isang party-list upang paimbestigahan ang pagtaas ng catastrophe insurance na may epekto sa ­presyo ng produkto.

Ayon sa mambabatas, tataas ang inflation rate dahil ang gastusin sa catastrophe insurance premium ay ipapasa sa mga konsyumer. Sakop nito ang insurance ng mga gusali, warehouse, equipment, pati ang tirahang pag-aari.

Sa gitna ng taas-presyo ng mga bilihin, kumakaway rin ang dagdag-kontribusyon sa SSS at PhilHealth.

Nakatadhana ba ang mga Pinoy na magtiis? Kung ang sasalubong sa bagong taon ay taas-presyo, akma pa bang bumati ng MANIGONG BAGONG TAON?

38

Related posts

Leave a Comment