SA loob ng mga susunod na linggo, posibleng pumalo na sa P100 kada litro ang presyo ng gasolina at krudo, bunsod ng tumitinding hidwaan sa pagitan ng dalawang estadong pinagmumulan ng langis na pangunahing sangkap sa paggawa ng mga produktong petrolyo.
Ang totoo, higit tayong apektado dahil asa lang tayo sa pandaigdigang merkado. Ang bawat paggalaw ng presyo, depende sa dikta ng mga bansang miyembro ng Organization of Oil-Exporting Countries (OPEC).
Pag-amin ng Department of Energy (DOE), walang magagawa ang pamahalaan sa walang humpay na dagdag-presyong ipinapataw ng mga kumpanya ng langis sa bansa. Ang totoo, meron, lalo pa’t kalakip ng mandato ng mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan ay ang poder na tiyaking pangalagaan at tiyakin ang kapakanan ng mamamayan.
Hindi na naman bago sa pamahalaan ang panawagang pagsusulong ng renewable energy – solar, hydrothermal, wind at iba pang pamamaraang napatunayang hindi hamak na mura, ligtas at walang peligrong dulot sa kalikasan.
Pero sa halip na katigan ang makabuluhan at napapanahong panawagan, pinili ng gobyernong mangako ng fuel subsidy sa apektadong public transport sector.
Ang siste, hindi ayuda ang sagot sa problema. Hindi rin lang mga tsuper ang apektado sa walang humpay na pagsirit ng presyo ng mga produktong petrolyo. Sa bawat paggalaw ng presyo ng langis, sumasabay rin ang dagdag-presyo ng iba pang produkto at mga serbisyo.
Ang masaklap, deadma lang ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa petisyong dagdag pisong singil sa minimum fare ng mga pampasaherong sasakyan tulad ng jeep at bus.
Maging ang Department of Labor and Employment (DOLE), tila atubili sa pag-aangat ng antas ng sweldo ng mga manggagawang Pilipino.
Hindi maikakailang sukdulang hirap na ang dinaranas ng bawat pamilyang Pilipino. Ang dating pilit pinagkakasyang P537 arawang sweldo, hindi na sapat sa pagkain, buwanang singil sa kuryente at tubig, renta sa bahay at iba pa.
Ang pangakong subsidiya, walang katiyakan, ayon mismo sa pahayag ng isang opisyal ng LTFRB. At kahit pa matuloy, ilan lang ba ang makikinabang? Hanggang saan lang ba ang maaabot ng P6,500 one-time fuel subsidy?
Maging ang Palasyo, matabang ang pagtanggap sa isinusulong na suspensyon ng excise at value-added tax, sa pangambang mabawasan ang nakokolektang pondo.
Susmaryosep! Walang masulingan ang mga pobreng Pilipino sa mga hayahay na taong gobyerno. Palibhasa, hindi sila apektado lalo pa’t sagana sa ganansya at pribilehiyo.
60