KIDNAPPING SA CASINO

SIDEBAR

Sa depinisyon ng mga alagad ng batas, ang krimen ng kidnapping ay palaging may ransom na hinihingi sa pamilya o kamag-anakan ng kanilang biktima na kadalasan ay mga mayayamang negosyanteng Filipino-Chinese na bukod sa madaling takutin ay mabilis ding magbayad ng ransom money.

Kaya nga nakasama sa heinous crime ang kidnap-for-ransom at kabilang ito sa mga krimen na may kaparusahang kamatayan bago ito binawi ng Kongreso sa utos ng pangulo noon na si Gng. Gloria Macapagal-Arroyo.

Sa kasalukuyan ay may malaking uri ng kidnapping na nangyayari sa mga casino sa Metro Manila at ang biktima ay mga Chinese national na regular na naglalaro at kapag natatalo ay nagkakautang sa mga loan shark na mga Chinese rin ang nasa likod.

Kung tama ang datos ng anti-crime watchdog na Movement for Restoration of Peace and Order (MRPO), dumarami ang bilang ng insidente ng kidnapping at mga Chinese national ang mga nagiging biktima ng mga loan shark sa casino.

Ang MRPO ay isang non-government organization na itinatag ni Gng. Teresita Ang-See noong dekada ’90 bilang tugon sa lumalaking bilang ng kidnapping na ang kadalasang biktima ay mga Chinese-Filipino businessmen kundi man miyembro ng kanilang pamilya.

Mula 2018, umaabot na sa 23 ang mga biktima ng kidnapping na isinagawa ng mga sindikatong nagpapautang sa mga high-stakes gambler sa mga casino na sa mga kapwa nila Chinese na nagiging biktima ng kidnapping kung hindi agad nakakabayad sa utang.

Mula Enero hanggang Pebrero ng 2019, walong insidente ng casino-related kidnapping ang naitala ng MRPO.

Bahagi ng modus operandi ng mga Chinese loan sharks ang mag-offer sa mga kapwa nila Chinese na high roller na pauutangin ng malaking halaga ng pera para makabawi sa kanilang pagkatalo sa casino.

At kapag natalo muli at hindi makabayad, pansamantala nilang idedetine ang biktima sa hotel o condominium habang hinihintay ang perang kabayaran mula sa pamilya at kamag-anakan ng biktima.

Malaki ang problema ng biktima kapag hindi makahanap ng perang pambayad ang kanyang pamilya dahil buhay ng biktima ang magiging kabayaran. Ganito ang nangyari sa Chinese national na si Charlie Chua na iniulat na nawala noong Pebrero 20 at matapos ang ilang araw ay natagpuan ang bangkay sa isang ilog sa General Trias sa Cavite.

Sa ilang pagkakataon, mabilis na nakakapag-report sa Philippine National Police at sa National Bureau of Investigation ang mga pamilya o kamag-anak ng biktima kung kaya madaling nare-rescue ang biktima gaya ng nangyari kay Jian Shi Xin.

Si Xin ay dinukot ng pitong ka­pwa niya Chinese national sa isang casino sa Parañaque City matapos hindi makabayad sa kanyang pagkakautang na P200,000. Dinala siya sa isang condominium unit sa Maynila kung saan siya idinetine habang nakikipagnegosasyon ang kanyang kapatid na si Jian Shi Lun.

Ipinasya ni Jian Shi Lun na magreklamo sa NBI na nagsagawa ng mabilisang imbestigasyon base sa mga nakalap na impormasyon hinggil sa kinaroroonan ng biktima na nailigtas ng mga operatiba ng NBI at nakadakip ng pitong suspek na Chinese national na responsable sa kidnapping ni Xin.

May problema ang ating mga hukuman kung ano ang magiging pagtingin sa ganitong uri ng kidnapping dahil hindi ransom ang hinihi­ngi ng mga suspek kundi ang bayad sa utang sa kanila ng mga Chinese national na naglalaro sa casino. (Sidebar / RAYMOND BURGOS)

96

Related posts

Leave a Comment