NATUTUWA tayo sa mga pahayag ni Senador Panfilo Lacson kaugnay ng pambabangga at paglubog ng bangkang pangisda, at pag-iwan sa 22 mangingisdang Pinoy na lulutang-lutang sa dagat para mamatay.
Tingnan Natin: hanggang kailan pa natin malulunok ang pambu-bully ng China? Tanong ni Senador Lacson. Ang pinakahuling insidente ay muling pagsubok sa respeto at pagtitimpi, aniya, respeto sa bahagi ng China at pagtitimpi ng Pilipinas.
Sukdulan na ang pambabastos sa Pilipinas at mga Filipino ng pamunuan ng China, at ito’y hindi na bago.
Tingnan Natin: malaking kontribusyon dito ang mga nauna nang pahayag ni Pangulong Duterte na lantarang pagpaling sa China at pagdistansya sa Estados Unidos.
Sa pagkakataong ito, inabot siya ng ilang araw bago nagsalita, bagay na umani ng maraming batikos.
Nang magsalita naman ang pangulo, tinuring lamang nitong simpleng insidenteng dagat o maritime ang nangyari.
Tingnan Natin: ayon kay Senador Lacson, “nakadudurog” ng puso ang paninindigan ni Pangulong Duterte sa Reed Bank.
Agad aniyang sumurender ang pangulo samantalang marami pang “options” o maaaring hakbang at tunguhin na mapagpipilian at maipatutupad.
Sobrang nilimitahan ni Duterte ang maaaring gawin, bagay na pagsasawalang-bahala sa nariyan namang tratado ng bansa at Estados Unidos na binigyang diin pa ni US State Secretary Mike Pompeo sa pagsabing may obligasyon kapwa ang dalawang bansa sakaling atakihin ang kanilang mga sasakyang dagat sa West Philippine Sea.
Tingnan Natin: kung independiente naman ang Senado sa ehekutibo o Malacañang, maaaring kondenahin ng Senado ang mga ginagawa ng bansang China na taliwas at yumuyurak sa interes at dignidad ng bansa at mga Filipino.
Sa pamamagitan ng resolusyon, maipapahayag at maipapaabot ng Senado ang paninindigan nito sa bansang China.
Kuwestiyon na lamang ay kung mayroon talagang tahasang bulag, pipi at binging alyado sa Senado ang pangulo, malamang kokontra ang mga ito.
Umaasa naman tayo na sa pamumuno ni Senador Lacson, posibleng maipasa ang naturang resolusyon, kailangan lang simulan niya ito.
Gagawin kaya niya? Tingnan Natin! (Tingnan Natin / Vic V. Vizcocho, Jr.)
131