KOOPERASYON NG BAWAT ISA KONTRA DENGUE

SA TOTOO LANG

Kahapon ng hapon ay nagdeklara na ang Department of Health (DOH) na tayo ay humaharap sa national dengue epidemic dahil sa tumataas na bilang ng mga tinatamaan ng sakit na ito.

Nakaaalarma naman talaga dahil lumalala ang kaso ng dengue sa bansa dahil sa mapaminsalang mga lamok.

Hindi biro ang rekord na nakapagtala na tayo ng 622 patay at 146,062 ang bilang ng kaso nito mula Enero hanggang Hunyo ng taong kasalukuyan. Ito ay mas mataas na 98 por¬syento sa naitalang kaso sa parehas na panahon noong nakaraang taon.

Noong nakaraang taon kasi ay nagtala lamang tayo ng 73,818 kaso ng dengue.

Sa puntong ito hindi dapat magpatumpik-tumpik ang ating pamahalaan.

Ang dengue ay isang mosquito-borne viral infection na nagiging sanhi ng pagkakaroon ng flu-like illness at maaari ring pagsuspetsahan kapag ang mataas na lagnat ay may kasamang dalawa sa mga sumusunod: matinding pananakit ng ulo, pananakit ng likod ng mga mata, matin¬ding pananakit ng kalamnan at kasu-kasuan, pagduduwal o pagsusuka, at pagkakaroon ng pamamantal (rashes).

May napabalita ring makatutulong sa isyung ito sa paglabas ng food supplement na may sangkap ng halamang tawa-tawa.

Ang tawa-tawa (o gatas gatas kung tawagin ng iba) ay madalas na ginagamit sa mga lalawigan at ito ay pinakukuluan at iniinom.

Ang tawa-tawa ay mabisang tulong para mapahusay ang cell production at maprotektahan ang platelets mula sa pagkasira nito. Ang halaman na ito ay mabisa rin para mapataas ang blood platelets lalo na sa may sakit na dengue.

Ngunit bago ilabas sa merkado ang food supplement na ito ay kailangang dumaan muna ito sa clinical tests/trial. Sana ay agaran din ang pag-aaral sa food supplement para makatulong sa kaso ng dengue at tuluyang mabawasan kung hindi mawala ang sakit na ito sa bansa.

Mahalaga na mag-anunsyo ng national epidemic para malaman kung anong localized response ang kinakailangan. Dito rin malalaman na dapat ay may pagkilos na sa local government units at maglabas na rin ng kaukulang pondo para matugunan ang isyung pangkalusugan. Kawawa ang pasyenteng umaasa sa tulong lamang ng gobyerno dahil sila ang mga walang-wala.

Kailangang mag-double time sa pagkilos ang lahat – hindi lamang ang DOH. Dapat ay may pakikiisa ang mamamayan para rito. (Sa Totoo Lang / ANN ESTERNON)

131

Related posts

Leave a Comment