KORAPSYON NA NAMAN SA TREN?!

POKARAGAT talaga ang nagaganap sa ating bansa!

Noong si Benigno Simeon Cojuangco Aquino III ang pangulo ng ating bansa, nagkaroon ng ­matinding katiwalian at korapsyon sa Metro Rail Transit (MRT).

Ngunit, inabsuwelto ng Office of the Ombudsman (OMB) ang mga taong sangkot dito kung saan kasapi ng gabinete ni Aquino ang ilan sa kanila.

Ilang araw makaraang tinapos ng OMB ang kaso sa MRT ay nakadiskubre na naman ng panibagong katiwalian at korapsyon, sa pagkakataong ito ay ang Presidential Anti-Corruption Commission (PACC), sa sistema ng tren sa Pilipinas.

Ang panibagong kaso ng katiwalian at korapsyon ay sa ­administrayong Duterte naman umano naganap.

Ang nadiskubre ng PACC ay tungkol sa P170.3 milyong halaga ng kontrata sa mga kagamitan para sa LRT-2.

Ang LRT-2 ay pinangangasiwaan ng Light Rail Transit Authority (LRTA), ahensiya ng pamahalaan na sakop ng Department of Transportation (DOTr).

Ang retiradong si Colonel Reynaldo Berroya ng Philippine ­National Police (PNP) ang ­administrador ng LRTA.

Ayon sa PACC, mayroong iregularidad na nangyari sa implementasyon ng bidding sa mga kagamitan ng LRT-2.

Nalaman ng PACC na ang “railing and rolling diagnostic stock equipment” na inilagay sa LRT-2 ay iba sa mga gamit na inaprubahan ng Bids and Awards Committee ng Department of Budget and ­Management (DBM).

Ang nasabing komite ay ang procurement service (PS) ng DBM.

Isa sa mga hindi nasunod ay ang “crate” (malaking kahon) na naglalaman ng re-railing equipment dahil ang ipinadalang ­malaking kahon ay mayroong sticker na nakasaad na kumpanyang CRRC Corporation mula China ang nasabing produkto.

Ang nasabing ‘produkto’ raw ng CRRC ay order ng Kempal Construction and Supply Corporation, ang nanalo sa pasubasta ng DBM-PS.

Ayon sa PACC, ang gamit sa kahon na produkto ay hindi galing CRRC, kundi sa Bemco, ­kumpanya sa India.

Pokaragat na ‘yan!

Sabi pa ng PACC na ang lagda sa LRTA Inspection and ­Acceptance Report ay peke.

Pokaragat na ‘yan!

Hindi lang ang gamit sa loob ng kahon ang katiwalian.

Kahit ang escalator ay nadaya rin dahil 6,000 katao ang kapasidad nito kada oras, sa halip na 9,000 katao bawat oras na siyang rekesito sa LRT-2, patuloy ng PACC.

Ayon sa PACC, ipapasa nito sa Task Force Against Corruption (TFAC) ang nadiskubre nito laban sa mga taong pinaniniwalang sangkot sa katiwalian at korapsyong nangyari sa LRT-2.

Ang TFAC ay bagong buo ni Pangulong Rodrigo Duterte na ang trabaho, tungkulin at obligasyon ay magsagawa ng komprehensibong imbestigasyon sa lahat ng kagawaran at ahensiya ng pamahalaan upang masampahan ang mga opisyal at kawani ng mga kaukulang kasong kriminal ang mga tiwali, korap at mandarambong.

Si Justice Secretary Menardo Guevarra ang pinuno ng TFAC.

Ayon sa tagapasalita ng LRTA na si Hernando Cabrera, pinaimbestigahan na ni Berroya ang nasabing iregularidad na nadiskubre ng PACC.

Ngunit, hindi lang ‘yan ang pinaimbestigahan ni Berroya, kundi ang buong sistema sa subasta at pagbili ng mga kagamitan sa LRT-2, paglilinaw ni Cabrera.

Katunayan, nagbuo si Berroya ng tinatawag na “fact ­finding committee” para sa nasabing ‘malawakang imbestigasyon’ ng mga katiwalian at korapsyon sa pagpapasubasta at pagbili ng mga kagamitan sa LRT-2.

Kahanga-hanga pala itong si Reynaldo Berroya dahil tila malawakan ang imbestigasyong ipinag-utos niya makaraang mayroong nadiskubreng korapsyon ang PACC sa ahensiyang matagal na rin ipinagkatiwala sa kanya.

Pokaragat na ‘yan!

Ayon sa PACC, ang mga posibleng sasampahan ng reklamo sa TFAC ay sina Engineer Julito Bernales, Rodger Ravelo at Jorge Mendoza ng DBM-PS.

Isang “Noralyn Salvador” na siyang lumagda umano sa ulat na nagsasabi na ang Kempal ay nagdeliver ng bagong CRRC re-railing equipment.

Ang iba pa na maaaring isama sa kaso ay ang tatlong kawani ng LRTA na sina Romel Correa, Cesar Legaspi at Robert Ruiz, banggit ng PACC.

Hindi po mga taong mayroong matataas na posisyon sa DBM at LRTA.

Kung sapat, matibay at malakas ang eibidensiya ng PACC ay siguradong tuloy ang kaso laban sa kanila mula TFAC hanggang OMB.

Ngayon, depende na sa OMB ang hatol kapag matapos nito ang napakahabang taon at panahon ng sarili nitong imbestigasyon at pagpapalakas ng kaso.

Tutal, hindi naman malalaking isda ang nadiskubre ng PACC na sangkot sa panibagong katiwalian at korapsyon.

74

Related posts

Leave a Comment