KULANG SA KULIT

MAS matapang na Department of Foreign Affairs (DFA) ang ipinamalas ng isang opisyal sa hayagang pagbubunyag ng patuloy na pambabarako ng China sa mga mangingisdang Pinoy na pumapalaot sa karagatang pasok sa 200-nautical mile radius Exclusive Economic Zone ng bansang Pilipinas.

Pag-amin ni Foreign Affairs Sec. Enrique Manalo, araw-araw ay may dokumentadong insidente ng paglabag ang mga Tsino sa karapatan at soberanya ng Pilipinas sa sa West Philippine Sea.

Pagtataboy ng mga mangingisdang Pinoy, pambabarako sa mga sundalong hangad lang ay maghatid ng gamot at pagkain sa mga kabaro sa Ayungin Shoal, pagtatayo ng mga isla sa mga bahurang pasok sa teritoryo ng ating bansa – ilan lang ‘yan sa mga kaganapan sa ating karagatan.

Ang tanong – sapat na ba ang 76 diplomatic protests na inihain ng Pilipinas laban sa China?

Kamakailan lang, inalmahan ng DFA ang ‘pambubulag’ gamit ang military-grade laser ng Chinese Coast Guard, sa mga sundalong bahagi ng supply mission sa Ayungin Shoal sa lalawigan ng Zambales.

Ang totoo, walang bahid ng alinlangan na bahagi ng teritoryo ng Pilipinas ang Ayungin Shoal batay sa 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea – na kalaunan ay pinagtibay Permanent Court of Arbitration.

Gayunpaman, hindi kinilala ng China ang pasya ng Permanent Court of Arbitration na nagbasura sa pag-angkin ng mga Tsino buong South China Sea.

Bukod sa China at Pilipinas, kabilang din sa umaangkin sa ilang bahagi ng South China Sea ang mga karatig bansang Brunei, Malaysia, Vietnam at Taiwan.

Saan nga ba patungo ang hidwaan sa pagitan ng mga bansang umaangkin sa karagatang ating nasasakupan?

Giyera ba? Hindi siguro lalo pa’t aminado ang Pilipinas na wala tayong kakayahang sumagupa laban sa isang super-power na bansa tulad ng China.

Ang tanging paraan, panibagong pagdulog sa Permanent Court of Arbitration sa pag-asang pagtitibaying muli ang kanilang inilabas na kapasyahan noong taong 2017.

Marahil, kulang lang tayo sa pagiging makulit.

120

Related posts

Leave a Comment