Nobyembre 2018 unang isinagawa ang China International Import Exhibition (CIIE) sa lungsod ng Shanghai kung saan naisara ng CIIE ang may US$57-billion na halaga ng business deals sa loob lamang ng limang araw.
Ngayong Nobyembre ay isinagawa ang ikalawang CIIE kung saan inianunsiyo ni Chinese President Xi Jinping ang long-term na commitment ng China na bumili ng $30-trillion halaga ng mga imported na produkto at $10-trillion na halaga naman ng mga serbisyo sa iba’t ibang bansa.
Kabilang sa mga naging panauhin ng CIIE ay si French President Emmanuel Macron na siyang kauna-unahang lider ng European Union na pumunta sa Shanghai para sa 2nd CIIE at ito ay tinitingnan bilang sampal sa isinusulong ng Estados Unidos na “trade war” laban sa China.
Nakapagtataka lang kung bakit hindi nabibigyan ng karampatang pansin sa Philippine media ang 2nd CIIE sa Shanghai sa kabila ng aktibong partisipasyon dito ng ating Department of Trade and Industry.
Ang matamlay na media coverage ng Pilipinas sa CIIE ay para na ring kompirmasyon ng pagkakaroon ng “phobia” sa anumang inisyatiba ng China at dala na rin marahil ito ng matinding anti-China propaganda na isinusulong sa media ng mga propagandista ng gobyerno ni US President Donald Trump.
Malaki ang ganansya ng ekonomiya ng Pilipinas sa CIIE dahil sa trilyones na dolyar na inilaan ng China para sa pagbili ng mga imported na produkto at serbisyo sa iba’t ibang panig ng mundo.
Pasok ang Pilipinas sa prayoridad na bibilhin ng China na kinabibilangan ng mga produktong industrial, agrikultural at iba’t ibang klase ng pagkain, consumer goods at serbisyo.
Tama ang ginawa ng DTI sa ilalim ng pamumuno ni Secretary Ramon M. Lopez na kumuha ng dalawang Philippine pavilion sa magkihawalay na venue sa CIIE – ang Food and Agricultural Products Hall at ang Quality of Life Hall.
Ang food hall ng Philippine pavilion ay nag-exhibit ng dairy products na patok sa Chinese consumers pati na ang snack foods, condiments, sweets at iba pang produktong agrikultural.
Naka-display naman sa Quality of Life Hall ang mga gawa sa Pilipinas na personal care products (mula sa langis ng niyog na mga sabon), accessories, laruan, pangregalo, fashion at furniture.
Nasa sa kamay na ng ating pamahalaan kung tatapatan ang hamon na gumawa ng mga produktong mabebenta natin sa China na maglilikha din ng daang libong mga trabaho para sa mga kababayan natin at ipagpatuloy ang pagsulong ng bansa natin bilang isa sa mga Top 20 na ekonomiya ng mundo pagsapit ng taong 2050. (Sidebar / RAYMOND BURGOS)
130