KUNG MAHAL LANG NATIN ANG ATING BAYAN!

DPA ni BERNARD TAGUINOD

MAY nabasa akong post sa social media na nagsasabing “kung ang bawat Pilipino ay marunong magmahal at tapat sa kanyang bayan, walang magnanakaw at abusado sa tungkulin ang magtatagal sa gobyerno. Tiyak na palalayasin niya ito”.

Tama nga naman. Tayong mga Pilipino, lalo na ‘yung mga botante, ang dahilan kung patuloy na namamayagpag sa kapangyarihan ang maruruming pulitiko at wala namang ambag sa pag-unlad ng bayan.

Tuwing ikatlong taon, naghahalal tayo ng mga congressman, senador, governor, mayor, at elected positions sa local government at kada anim na taon ay naghahalal din tayo ng presidente at bise presidente.

Karaniwang nahahalal ang mga pulitikong inaamag na sa puwesto pero walang nagawa para tayo at umalagwa sa kahirapan bagkus ay kung ano ang kalagayan natin bago natin sila inihalal ay lumala pa pero ang kanilang lifestyle, gumaganda at paganda nang paganda.

Kahit alam natin na sila ay corrupt, tamad, walang alam, walang pakundangang ginagastos ang pera ng bayan at hindi nagpapaliwanag kung saan ginamit ang ating buwis, ay patuloy natin silang inihahalal.

Pero ika nga sa post sa social media, kung mahal lang natin ang ating bayan, hindi tayo maghahalal ng mga pulitikong abusado at corrupt at kung nagkamali man tayo o nabudol tayo nang una natin silang inihalal ay tiyak na hindi na natin sila iboboto muli sa susunod na halalan.

Ang nangyayari kasi tuwing eleksyon, lagi tayong nadadala sa mga pulitikong mabulaklak ang pananalita, nangangako ng langit, sikat, nangunguna sa survey at mula sa kilalang mga angkan ng mga pulitiko.

Higit sa lahat ay ibinebenta ng karamihan sa atin ang ating boto sa mga abusado at corrupt na pulitiko, isang patunay na hindi natin mahal ang ating bayan kaya kasalanan din natin kung bakit hindi nawawala sa poder ang mga corrupt at abusadong pulitiko.

Hindi iniisip ng mga botante ang kinabukasan ng bayan dahil sa kalansing ng barya na ibinabayad sa kanila ng mga abusado at corrupt na pulitiko tuwing eleksyon kaya kung nagpabayad ka, hindi mo mahal ang bayan mo at wala kang pakialam sa kinabukasan ng mga anak mo.

‘Yung ibinayad sa inyo kapalit ng boto niyo ay kulang pa sa pagkain niyo sa isang araw pero ang kapalit ay pagdurusa sa loob ng tatlo hanggang anim na taon at kapag nasangkot sa katiwalian ang ibinoto niyo nananahimik lang kayo kaya ang inaakala ng mga corrupt at abusadong pulitiko ay may basbas kayo sa kanilang katiwalian at pang-aabuso.

Speaking of election, bakit ba ang init ng barangay election? May mga kandidato na ang pinatay at hindi na yan ‘isolated cases kaya dapat tutukan ng mga awtoridad lalo na ng Commission on Elections (Comelec).

Karaniwang hindi nareresolba ang political killings sa barangay election kaya hindi natitigil ang ganyang patayan. Seryosohin ang imbestigasyon at hulihin ang mga salarin at mga nag-utos sa kanila sa pagpatay.

366

Related posts

Leave a Comment