Kung wala nang kakayahan ang buyer na bayaran ang balanse MAAARI BANG BASTA NA LAMANG BAWIIN NG DEVELOPER ANG BAHAY, LUPA O CONDOMINIUM?

AKSYON NI CASTILLON ni ATTY. DAVID CASTILLON

ANG pagkakaroon ng sariling lupa o tirahan ay isa sa mga pinapangarap ng bawat Pilipino. Subalit hindi lahat ay mayroong kakayahan na bumili nito sa pamamagitan ng isang bayaran lamang kaya ang karamihan ay idinadaan ito sa hulugan o “installment plan”. Nitong mga nakaraang buwan, napakarami sa ating mga kababayan ang nahirapang magbayad ng buwanang hulog sanhi ng pandemya hanggang sa lumobo ang halaga dahil sa interests at penalties na ikinarga ng developers.

Sina Ben at Angelo ay dalawa lamang sa mga lumapit sa aking tanggapan upang isangguni ang kanilang problema dahil basta na lamang sila pinapaalis sa kanilang nabiling condominium units at walang matatanggap na refund. Sila ay nakapagbayad ng lagpas dalawang taon subalit wala na silang kakayahan na bayaran ang natitirang balanse dahil napakalaki na ng halaga kapag isinama ang iba pang pinababayaran ng developer.

Sa kabila ng kanilang pakiusap, hindi pumayag ang developer na makipag-ayos lalo na sa kaso ni Angelo na nagkaroon pa ng restructuring at pagpalit ng nabiling unit bago pa mangyari ang pagpalya sa buwanang hulog. Dahil dito, nakapagdesisyon ang dalawa na isampa ang kaso sa tanggapan ng Department of Human Settlements and Urban Development (dating HLURB) laban sa developer.

Ayon sa desisyon, kailangang ibalik muna ang refund na nakasaad sa batas bago tuluyang mabawi ang condominium unit at mapaalis ang nakatira. Hindi sapat na kanselahin lamang ng developer ang kontrata sa pamamagitan ng simpleng sulat o demand letter. Ito ay dapat gawin sa pamamagitan ng isang notaryadong papeles at kailangang palampasin ang tatlumpung araw bago tuluyang makansela ang kontrata.

Subalit isang napakalaking katanungan ang halaga ng pera na maibabalik sa nakabili sapagkat iginigiit ng developer na hindi dapat kasali sa refund ang mga interests at penalties na ikinarga sa buwanang hulog.

Naging talamak ang proseso ng mga developer na kung saan ay ikinakaltas nila sa halaga ng refund ang gastos sa mga dokumento, interests, penalties, danyos o renta sa panahong hindi pa naibabalik ang nabiling ari-arian matapos makansela ang kontrata sa bilihan. Sa huli ay napakaliit na lamang ang nakukuhang refund ng mga nakabili.

Ito ay illegal sapagkat ang halaga ng refund na maibabalik sa mga nakapagbayad na ng 24 months o higit pa ay malinaw ang sinasaad ng batas (R.A. 6552 – Realty Installment Buyer Act). Hindi dapat ikaltas sa refund ang kung anu-ano pang mga bayarin.

Kung kayo ay may mga katanungan na kailangan ng kasagutang legal, sumulat lamang sa “AKSYON NI CASTILLON” sa email address – castillon.lawoffice@gmail.com.

121

Related posts

Leave a Comment