KWENTONG KAMOTE

NOON kapag nangangamote sa recitation o sa klase ang isang ­estudyante ay palasak na ang salitang “buti pa umuwi ka na lang at magtanim ng kamote”. Biro man o sarkastiko, itinuring itong katuwaan at katatawanan.

Iba ang bersyon ngayon ng kwentong kamote. Pinag-uusapan na ang nararapat na hakbang upang maiwasan ang pagkasira ng mga pananim sa tuwing bumabagyo. Ayon ito kay Senator Cynthia Villar, chairperson ng Senate Committee on Agriculture and Food.

Para hindi tamaan ng bagyo ang mga pananim ay nagmungkahi ang i­lang mambabatas na i-adjust ang panahon ng pagtatanim. Kapag bagyuhan ay itanim ang root crops tulad ng kamote at kamoteng kahoy dahil ito ay nasa ilalim ng lupa kaya hindi apektado.

Ang konklusyon sa mga suhestyon: MATUTO TAYONG KUMAIN NG ­KAMOTE.

Masustansya ang kamote, ngunit hindi nito mapapantayan ang mga benepisyong ibinibigay ng bigas/kanin. Malakas din itong pagkakitaan, ngunit ito ay pana-panahon lang. May mga Pinoy na kamote ang kinakain araw-araw dahil wala silang bigas. Nakasasawa nga raw ang kamote ‘di tulad ng bigas/kanin na habambuhay na pangunahing pagkain ng karamihang Pinoy.

Ang pagtatanim ng root crops kapag panahon ng bagyuhan ay walang ­saysay na mungkahi.

Alam ng mga magsasaka, maging ng karaniwang nagtatanim ng duma o root crops sa kanilang bakuran, ang tamang panahon ng pagtatanim ng ­pagkaing-ugat. Ang laman ng kamote ay hindi lumalaki kapag nasira ng bagyo ang mga dahon nito, at hindi akma ang kamote sa lupang palayan ­dahil ­matagal matuyo ang tubig dito kaya hindi ginagarantiya na mabubuo ang lamang-ugat.

Pinag-iisipan dapat ang mga epektibong solusyon para mabawasan kundi man maiwasan ang perwisyo ng bagyo sa mga pananim. Pinakikinggan sana ang mga magsasaka dahil sila ang higit na nakararamdam ng kakulangan ng suporta at pagtitiwala sa kakayahan nila.

May ilang mahalagang polisiya at plano ang dapat unahin kesa walang katuturang pagtatanim ng duma sa panahon ng bagyuhan.

Bakit nga pala hindi bawiin ang Rice Tariffication Law na ayon sa mga magsasaka ay nagpapahirap sa kanila.

Matagal nang natuto ang mga Pilipino na kumain ng kamote. Hindi na dapat pagsabihan pa.

Kung problema ang bagyo, hindi esensyal na tugon ang ibahin ang ­itatanim.

26

Related posts

Leave a Comment