LABAN NINA DR. YUMOL, LIM VS KORAPSYON WALANG GOV’T SUPPORT?

PUNA Ni JOEL AMONGO

HALOS iisa ang layunin nina Dr. Chao Tiao Yumol at Lino Espinosa Lim, Jr., ang labanan ang katiwalian o korapsyon ng matataas na mga opisyal ng gobyerno.

Sa kumalat na video ni Dr. Yumol, taong 2019 nagsimula ang kanyang laban sa ­mag-asawang Mayor Rose at Vice Mayor ­Roderick Furigay ng Lamitan, Basilan sa umano’y kinasasangkutan nilang illegal drugs at korapsyon sa kanilang bayan.

Personal na ipinarating ito ni Dr. Yumol kay dating Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) Commissioner Greco Belgica na nagkataon nandun din ang mag-asawang Furigay para sa isasagawa sanang press conference.

Unang kinausap ni ­Belgica ang mag-asawang Rose at ­Roderick Furigay na umabot ng anim na oras na kalaunan at sinabing hindi na haharap ang dalawa at maging si Belgica, sa mga taga-media at kay Dr. Yumol.

Hindi rin isinama ni Belgica sa meeting nila sa mag-asawang Furigay ang abogado ng opisina na kinatawan ni dating DILG ­Secretary Epimaco Densing.

Sa pangyayaring ‘yun ay pinaniwalaan ni Dr. Yumol na pinatay ni Belgica ang kanyang reklamo laban sa mag-asawa sa kabila ng matibay niyang mga ebidensiyang ipinakita sa opisyal.

Isa sa mga inirereklamo ni Yumol ang generators na binili ng bayan ng Lamitan na ­nagkakahalaga ng isang daang milyong piso (P100-M) na hindi nagagamit ng mga residente.

Imbes na aksyunan ang reklamo ni Dr. Yumol, ito pa ang naging simula na malagay sa panganib kanyang buhay nang pagbabarilin siya na muntik ­niyang ikamatay.

Hindi na nga kumilos si ­Belgica sa reklamo ni Dr. ­Yumol laban sa mag-asawang Furigay ay lalo pa itong itinaas sa ­posisyon mula sa pagiging dating commissioner ay naging ­chairman pa siya ng PACC.

Bunsod nito, nagreklamo si Dr. Yumol sa Ombudsman laban kay Belgica dahil sa kawalang aksyon nito sa kanyang reklamo laban sa mag-asawang Furigay.

Marahil ito ang dahilan na nag-udyok kay Dr. Yumol na ­barilin si dating Mayor Rose Furigay na ikinamatay nito at ­dalawa pang sina Victor ­Capistrano at security guard ng Ateneo de Manila

University na si Jeneven Bandila, dahil sa pagiging bingi ng gobyerno sa kanyang reklamo.

Isa ring lumalaban sa korapsyon ay si Lino Espinosa Lim, Jr., laban kay Sandra Cam na dating Director ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).

Kinuwestiyon ni Lim kung saan nanggaling ang mahigit sa limang daang milyong (P500-M) pisong pera ni Cam na ipinambili ng isang isla sa Masbate.

Ayon sa kanya, bilang miyembro ng board of directors ng PCSO ay paano nagkaroon ng ganung kalaking pera si Cam kung hindi siya gagawa ng katiwalian.

Noong 2019 ay nagsampa si Lim ng kaso sa Office of the Ombudsman laban kay Cam dahil sa kiwestiyunableng yaman na kanyang inirereklamo.

Ayon kay Lim si Cam ay dati lamang tauhan ng kanyang kapatid na dating mayor na si Nestor Lim ng kanilang bayan kung kaya’t nagtataka siya kung saan ito nakakuha ng milyun-milyong pisong pera.

Aniya, isang caregiver lamang ng kanyang kapatid na si dating Mayor Nestor Lim si Cam at nang makaupo na ito bilang miyembro ng board of directors ng PCSO ay bigla itong yumaman.

Naniniwala si Lim na ang reklamo niya laban kay Cam sa Ombudsman ay naging dahilan kung bakit may umaaligid na puting van sa kanilang bahay sa Las Piñas.

Sa pangyayaring ito ay tinimbrehan niya si Batuan Vice Mayor Charlie Yuson III na mag-ingat at baka may mangyari sa kanya.

Hindi nagkamali sa pagbibigay ng babala ni Lim kay Yuson dahil noong Oktubre 10, 2019 dakong alas-8:45 ng umaga ay binaril ito habang nag-aalmusal sa isang bahay sa VG Cruz St., Sampaloc, Manila ng hindi nakilalang kalalakihan na nakasakay sa silver gray van.

Ang pangyayaring ito ang dahilan kung bakit nakakulong ngayon si Cam sa Camp Crame, Quezon City.

Sinabi ni Lim na tiwala si Vice Mayor Yuson na walang mangyayari sa kanya dahil ang kinaroroonan niyang bahay ay pag-aari ng kanyang kapatid na barangay chairman sa naturang lugar.

Ilan pa kayang tulad nilang lumalaban sa korapsyon ng matataas na mga opisyal ng gobyerno ang malalagay sa panganib ang mga buhay?

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com.

Related posts

Leave a Comment