LABAN O BAWI NI USEC DIÑO

0

SOBRA nang nakatatawag ng pansin ang mga pulitiko na may planong tumakbo sa eleksyon sa 2022.

Panay na kasi ang pagsakay nila sa mga isyu partikular na rito sa mga nagsulputang community pantries.

Isa sa mga sumakay itong si Undersecretary Martin Diño ng DILG.

Umaani siya ngayon ng mga batikos dahil gusto niya na kumuha muna ng permit o clearance mula sa lokal na pamahalaan ang mga nagsasagawa ng community pantries.

Katawa-tawa ang hirit ni Usec kaya pinuputakte tuloy siya ngayon ng mga PUNA lalo na ng ating mga netizens.

Makikisawsaw na nga lang sa isyu ay palpak pa ang tinuran ni Diño kaya agad-agad bumalik sa kaniya ang galit at kantiyaw ng publiko.

Tanong lang Mr. Usec, negosyo po ba ang community pantries para pakuhain mo ng permit? Tinamaan ka ng magaling! Ipinakita mo na naman ang kakapusan mo ng katalinuhan.

For your info po Sir, isang uri ng bayanihan ang community pantries. Kung hindi pa rin po ninyo maintindihan, ito po ay ­pagtutulungan ng mga magkakapit-bahay para kahit paano ay may pantawid silang makakain sa buong araw.

Sa susunod po Usec Diño pag-aralan muna ninyo ang sasabihin para hindi rin kayo napapahiya dahil pagkatapos na bahain ka ng kantiyaw at batikos ay bigla mong babawiin ang sinabi mo at igigiit na ‘misquoted’ ka lang sa iyong naging pahayag.

Aba naman! Kami pang mga mamamahayag na nakarinig sa sinabi mo ang aakusahan mong hindi nakaintindi sa sinabi mo. Bawasan mo siguro ang pagiging epal para hindi ka mabatikos.

Speaking of the word epal, yun ang bansag sa iyo ngayon Usec Diño. Isa kang EPALITIKO o epal na pulitiko.

Totoo ba ang bali-balita na tatakbo kang Senador sa 2022?

Alam mo kung nabubuhay lang ang magaling na Senadora na si Madam Miriam Defensor-Santiago, makakatikim ka agad-agad ng PUNA sa kaniya.

Eh kahit nga siguro yung nasa elementary naiintindihan ang ibig sabihin ng community pantry tapos ikaw hindi. Naturingan ka pa man ding Undersecretary!

Paano mo ngayon mapapaniwala ang taumbayan na may kakayahan ka na maging Senador? Paano mo kaya ipagtatanggol ang aming kapakanan gayung simpleng bayanihan ay hindi mo naiintindihan?

Isang isyu pa lang ito pero nawala na ang tiwala sa iyo ng taumbayan. Paano kaya kung mas malalaki pang mga usapin sa lipunan? Laban o Bawi na lang din ba ang gagawin mo Usec Diño?

Nananawagan tayo sa iba pang EPALITIKO gaya ni Diño na tantanan na ang community pantries.

Nagugutom po ang taumbayan kaya sa maliit nilang makakayanan ay gumawa sila ng paraan kung paano sila makatutulong sa kapuwa.

Doon naman sa naghahanap ng kapalit sa ginagawang pagtulong lalo na ang pagbibigay ng pagkain at pagkatapos ay babatikusin ang kapalpakan ng pamahalaan, tumigil na kayo sa ganiyan dahil nakakadagdag lang kayo sa bigat at hirap na pare-pareho nating pinagdadaanan.

Tandaan ninyo, ang pagtulong ay walang hinahanap na kapalit. Ibinibigay ito ng bukas sa loob. Iwasan din na lagyan ng kulay pulitika dahil kapag ganiyan lang din ang layunin, hindi na masasabing pagtulong yan kundi pagsasamantala.

Huwag na sana kayong mapagpanggap na may malasakit sa kapuwa Filipino. Walang puwang ang ­pamumulitika ngayong may pandemya kaya umayos kayo!

Huwag din kayong ­maging plastik dahil alam ng taumbayan kung niloloko nyo sila o hindi. Magpakatotoo kayo kung gusto nyong manalo sa eleksyon sa 2022.

Ngayon pa lang alam na ng taumbayan kung sinong politiko na EPALITIKO. Bahala na ang taumbayan na humatol sa 2022.

Sinikap nating tawagan si Usec. Diño para magbigay ng kanyang panig subalit hindi natin siya makontak. Pero nananatiling bukas ang pahinang ito sa anumang gusto ninyong ­linawin sa mga PUNA sa inyo.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email ­joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com o kaya magtext sa 0956-951-00-57.

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment