DPA ni BERNARD TAGUINOD
NOONG nagsimula ang Russia-Ukraine War noong Pebrero 2022, umalagwa ang mga propagandistang Russo gamit ang state tv at social media para bigyang katwiran ang giyerang sinimulan ng kanilang presidenteng si Vladimir Putin.
Talong-talo ang Ukraine sa propaganda dahil sa madadaldal ang mga propagandista ni Putin kaya nakontrol nila ang utak ng mayorya sa mga Russo. Ganoon sila kagaling at ang lupit din nilang manakot sa European Nations at Amerika.
Sa West Philippine Sea, talong-talo ang Pilipinas pagdating sa propaganda ng China dahil nagagawa nilang baliktarin ang katotohanan. Sila ang bumabangga at nagha-harass sa Philippine Coast Guard at mga mangingisdang Pinoy pero ipinalalabas na sila ang biktima.
Ang China ang nang-aagaw ng teritoryo pero nagagawa nilang palabasin na sila ang may-ari ng territorial waters ng Pilipinas. Ganyan sila kagaling sa propaganda at dahil dyan suportado sila ng buong Chinese community.
Hindi natatapatan ng Pilipinas ang mga propaganda ng China dahil mahina ang mga propagandista ng gobyerno at sa katunayan, mas marami pang propagandistang Pinoy ang kumakampi pa sa China kaya talong-talo ang ating estado.
Pero matindi ang labanan ng mga propagandista sa loob ng ating bansa ngayon dahil sa pulitika. Ayaw ko sanang sabihin pero naglalabanan na ang mga propagandistang kampi sa administrasyon at mga Duterte.
Ang napapansin ko lang, mukhang talong-talo ang mga propagandistang kakampi ni Marcos Junior sa mga propagandista ng mga Duterte kahit sila ang nakaupo at may hawak ng state media.
Kapag tumira ang mga pro-Duterte sa social media ay durog ang gobyernong Marcos at hindi sila agad makasagot dahil walang nagsasalita sa kanila araw-araw para labanan ang batikos na tinatanggap nila araw-araw.
Ilan ba ang state TV natin ngayon? Nandyan ang PTV 4, IBC 13 at RPN 9, kasama ang Philippine Broadcasting Service Radio, pero hindi sila makasagot sa Sonshime Media Network Inc., (SMNI) at radio stations ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC).
Sa nagdaang dalawang taon, mukhang hindi nagawang labanan ng Presidential Communication Office ang mga banat, hindi lamang ng grupo ni Duterte kundi ng ibang grupo laban sa kanilang mahal na pangulo.
Wala tayong naririnig na interview sa mga radio sa kanilang mga spokesman sa Malacañang kaya parang tinatanggap na lamang nila ang mga banat sa kanilang boss, hindi tulad noong nakaraang mga administrasyon na hindi pa sumisikat ang araw ay nasa radio na ang mga tagapagsalita ng nagdaang mga pangulo.
‘Yan marahil ang dahilan kaya inalis si Cheloy Garafil bilang Press Secretary. Ano sa palagay n’yo?
159