LALAWIGAN NG QUEZON, INUULAN NA NG MGA PROYEKTO MULA KAY GOV. HELEN TAN

SABONG ON AIR Ni KA REX CAYANONG

TULOY-TULOY na raw pala ang konstruksyon ng pitong palapag na main building ng Maria L. Eleazar General Hospital (MLEGH) sa MLEGH Grounds na matatagpuan sa Brgy. Munting Parang, Tagkawayan, Quezon.

Ito’y matapos isagawa ang groundbreaking ­ceremony na pinangunahan nina Senators Christopher Lawrence “Bong” Go at ­Robinhood “Robin” Padilla.

Kasama rin sa event sina DOH-Calabarzon Regional Director Ariel Valencia, Quezon Governor Angelina “Doktora Helen” Tan, ­Quezon 4th District Rep. Atty. Mike Tan at Tagkawayan Mayor Luis Oscar Eleazar.

Kaya magandang balita ito para sa mga taga-Quezon.

Sinasabing bukod sa groundbreaking ceremony para sa pangunahing istraktura ng MLEGH, pinasinayaan din ang ika-152 Malasakit Center sa Pilipinas.

Kung hindi ako nagkakamali, ito ang two-storey Outpatient Building (OPD) na ipinatayo ni Go.

Nagkaroon din ng oath-taking ceremony para sa 13 permanenteng empleyado ng MLEGH sa ilalim ng DOH.

Ayon kay Gov. Tan, bahagi ito ng mga hakbangin sa ilalim na saklaw ng Universal Health Care (UHC) sa MLEGH.

Sa panig ni Regional Director Valencia, binanggit niya na nais ng gobyerno na maiparamdam sa mamamayan ang mas pinahusay at mas pinalawak pang serbisyong pangkalusugan para sa ating mga kababayan.

“Pakiusap ko sa mga tauhan ng MLEGH, sana sa patuloy na suporta na natatanggap namin sa national government ay sana ­maiparamdam n’yo ito sa mga pasyente, ang pagkali­nga na nakangiti. [‘Yung] ngiti pa lang maginhawa na ang pakiramdam,” wika niya.

Aba’y base nga raw sa improvement plan, magtatayo ang ospital ng tatlong gusali na kinabibilangan ng one-storey, two-storey at seven-storey main building.

Nasa P25 milyon ang halaga ng proyekto na nasa ilalim ng Project Management Unit-Health ­Facility ­Enhancement Program (PMU-HFEP).

Pahayag ni Gov. Tan, isinabay rin ang groundbreaking ceremony ng Super Health Center sa bayan ng Tagkawayan at Atimonan at maging ang turnover ceremony ng ilang medical equipment.

Sa Super Health center, aba’y asahan na raw ang mas mataas na pamantayan ng pangangalaga kaysa isang regular na rural health center.

Siyempre, mas makapagkakaloob ito ng mahahalagang serbisyong pangkalusugan sa mga tao sa komunidad.

Maraming salamat po sa mga nagsusulong ng nasabing mga proyekto lalo na kay Gov. Helen Tan.

Mabuhay po kayo at God bless!

Related posts

Leave a Comment