LALO PANG NABAON SI CARDEMA

BAGWIS

‘Di ko malaman kung ano ba itong si dating National Youth Commission Chair Ronald Car­dema. Sa halip na ilagay sa tama ang kanyang mga ginawang kabulastugan dahil sa kanyang pagpupumilit na maging miyembro ng Kongreso ay lalo pa ito ngayong nababaon sa sangkatutak na kaso.

Kung tutuusin ay wala na sanang problema itong si Cardema kung hindi umiral ang kanyang pagiging sugapa sa kapangyarihan. Pasok na ang kanyang asawa bilang kinatawan ng kanyang party-list na Duterte Youth. Pasok ang kwalipikasyon ng kanyang asawang si Ducielle Marie kaya’t wala na sanang problema ang kanyang pag-upo sa Kongreso.

Bilang asawa ay maaari namang tulungan ni Car­dema si Ducielle upang isulong ang mga adbokasiya ng kanyang grupo.

Ngunit halatang iba ang motibo nitong si Cardema at ito ang nag-udyok sa kanya na palitan ang nominasyon ng kanyang asawa at siya ang pumalit. Aba’y natural na hindi uubra ito dahil ‘ika nga ni Comelec Commissioner Rowena Gaunzon ay isang “overaged trying hard name-dropper” itong si Cardema.

At hindi pa rito nagtatapos ang kuwento nitong si Cardema. Aba’y mantakin mo ba na naman eh sinabi nito sa harap ng samba­yanan na sinuhulan niya ng P2 milyon si Guanzon upang maayos ang gusot sa kanyang pag-upo bilang kongresista. Ang mas ma­tindi ay sinabi nito na isang kongresista ang tumanggap ng pera para umano kay Commissioner Guanzon.

Dito mo makikita kung gaano kababaw mag-isip itong si Cardema. Hindi ba niya naisip na ang kanyang pag-amin na ito ay isang direct admission para sa kasong bribery? On the other hand, kahit anong gawin ni Cardema ay hindi niya kayang idiin si Guanzon sapagkat wala naman siyang ebidensya na tinanggap nga nito ang kanyang isinuhol na P2 milyon.

Dahil dito, maliban sa kasong bribery ay maaari ring tambakan ng kaso ni Guanzon itong si Cardema dahil sa paninirang-puri.

Ang matindi pa nito ay isinabit niya ang isang miyembro ng Kongreso at tiyak na magkakaroon ng imbestigasyon ito. Kapag pinatawag si Cardema upang ibigay ang kanyang testimonya ukol dito, kaya ba niyang pangalanan ang sinasabi niyang bag woman? At kung pangalanan niya ito, kaya ba niya itong panindigan?

Ngayon pa lang ay sinasabi ko na ito ang magiging direksyon nitong drama ni Cardema at dahil mukhang binitiwan na siya ng kanyang mga patron sa Malacañang ay hindi malayong himas-rehas ang kanyang kakahantungan. (Bagwis / GIL BUGAOISAN)

148

Related posts

Leave a Comment