TARGET NI KA REX CAYANONG
LALONG gumaganda ang business climate sa San Rafael, Bulacan na pinamumunuan ni Mayor Mark Cholo I. Violago.
Kaya dumarami ang mga nagnenegosyo. Siyempre, nadagdagan din ang mga sangay ng government offices dito.
Sa katunayan, kamakailan ay isinagawa ang seremonya ng pagbabasbas at pagpapasinaya ng bagong Land Transportation Office (LTO) District Office na matatagpuan sa Brgy. Sampaloc sa bayan ng San Rafael.
Doon ay ipinaabot ni Violago ang taos-puso niyang pagbati at mensahe sa mga kawani ng ahensya.
“Ang bagong gusali ay pormal na pinasinayaan ni Rev. Fr. Mauricio A. Lucas kasama ang inyong lingkod at ilang opisyales ng LTO na sina Assistant Secretary, Jose Arturo “Jay Art” Tugade at Regional Director, Eduardo C. De Guzman,” wika ng alkalde.
“Ating balikan ang naging matagumpay na pamamahagi ng scholarship grant para sa mga kabataang San Rafaeleño sa pangunguna ng ating Mayor Cholo kung saan nasa 1,300 na college students ang muling tumanggap ng tulong-pinansyal para sa kanilang pag-aaral,” saad pa sa mensahe ni Violago na may kasamang video.
Napag-alaman mula sa tanggapan ni Violago na bawat iskolar ay may isang ‘CholoMansi’ na itatanim sa kanilang tahanan upang sa pamamagitan nito ay mamulat sila sa kahalagahan ng pangangalaga ng ating kalikasan.
Nagpadala ang mga bata ng kanilang mensahe ng pasasalamat para sa Punong Bayan, gayundin ng kanilang kwento kung paano nakatulong ang programa para sa kanilang edukasyon.
Bukod sa sektor ng edukasyon, tinututukan din ni Violago ang kalagayan ng mga mahihirap.
Nais niyang magkaroon ng tahanan at maayos na pagkakakitaan ang kanyang mga kababayan.
Kaya suportado niya ang pambansang pabahay at iba pang mga programa ng pamahalaang Marcos.
“Sa pagbisita ng ating DHSUD Sec. Jerry Acuzar, atin siyang ipinasyal sa isa sa pinagmamalaki ng bayan ng San Rafael pagdating sa usapang pang agrikultura. Ang East West Seed Inc., kung saan halos 80% ng produksyon ng gulay sa ating bansa ay nagmula sa kompanya ang mga hybrid seeds,” sabi ng masipag na alkalde.
Kasabay nito, ayon kay Violago, iminungkahi ng kalihim sa kanyang mga kawani na pag-aralan kung papaano magiging bahagi sa mga programa ng nasyonal na pamahalaan ang kompanya.
Abangan na lang natin ang susunod na kabanata.
Mabuhay po kayo, mga bossing!
