LAMAN NG ALLWIN CONTAINERS 1140-1141 NANGANGANIB NA HINDI MAIPAMIGAY?

RAPIDO NI TULFO

KASALUKUYANG ipinamamahagi na ng Bureau Of Customs ang mga laman ng natitirang Allwin containers 1140-1141 na nailabas sa pamamagitan ng auction na ginanap, ilang linggo na ang nakararaan.

Ang nanalo sa bidding ay isang kumpanya na ayon sa aking source ay konektado rin di-umano sa grupo nina Robert Uy ng Association of Bidders at the Bureau of Customs (ABBC). Si Robert Uy ng Agbay Enterprises ay ang nanalo rin sa bidding ng 16 Allwin Containers na kasama sa 18 containers na inabandona sa ahensiya ng Allwin.

Naisulat na natin nitong mga nakaraang linggo, ang resulta ng bidding sa Allwin container nos. 1140-1141 kung saan kinumpirma sa atin ni BOC Director Michael Fermin na siya mismo ay nagulat nang mayroong nag-bid ng P600,000 sa dalawang natitirang containers.

Samantalang sinabihan na raw nito ang grupo ng ABBC na huwag nang sumali sa bidding. Dahil wala naman silang mapapala dito sapagkat ang layunin ng Bureau of Customs ay maipahagi ang lahat ng laman sa mga may-ari nito.

Isang paraan upang kumita ang BOC ay ang auction ng mga inaabandonang containers sa kanilang mga shipyard, pero hindi dapat kasama ang balikbayan boxes na inabandona ng consolidators sa pier. Dahil kasalanan ng mga consolidator na nagpadala ng mga kahon, ang pagkaantala ng delivery nito, dahil bago pa man lumabas sa port of origin ang mga kahon at ipadala sa Pinas, binayaran na po ng ating mga kababayang ang fees nito.

Sinabi ni Dir. Fermin sa inyong lingkod na personal niyang pinakiusapan ang ABBC at iba pang bidders na huwag nang sumali sa bidding ng dalawang natitirang Allwin Containers at hayaan na lang na mapunta sa DDCAP ang mga ito para sa maayos na distribusyon. But it seems hindi yata nirerespeto nina Robert Uy ng ABBC, si Director Fermin!

Nakatanggap tayo ng mensahe mula sa isa sa mga naghahabol ng kanilang padala sa Bureau of Customs at nakakabahala ang sinagot sa kanya ng isang hindi raw nagpakilala sa OFW.

Ayon sa mensahe, sinabi raw nito na, “WALA PA DAW NOTICE KUNG IPAMIMIGAY PA SA TAO KASI BINAYARAN DAW NG P600,000 ANG DALAWANG CONTAINERS”.

Kapag nagkataon, maraming mga kababayan nating mga OFW ang maiiyak na naman sa galit kapag hindi nakarating sa kanilang mga mahal sa buhay ang pinaghirapang mga padala.

Matatandaang marami pa ring balikbayan boxes ang nawawala na ang karamihang daw ay mga LED TV, sa pinakahuling distribusyon na isinagawa ng BOC kasama sina Robert Uy.

148

Related posts

Leave a Comment