LAYLAYAN NG LIPUNAN, NAGAGAMIT NG POLITIKO

KAALAMAN Ni MIKE ROSARIO

MAHIRAP talaga maging mahirap lalo na kung nakararam­dam ka ng pang-aapi o kaya ‘yung alam mo naman na tama ka pero ‘di ka napakikinggan.

‘Yung may katuwiran ka naman pero lumabas na ikaw pa ang may kasalanan, madalas na tawag dito ay kawalang ­katarungan at kaapihan.

Madalas ito ang nararamdaman ng mga taong walang sinabi sa lipunan o mga taong nasa laylayan, mga urban poor ‘pag nasa lungsod, na totoo naman sila ang nagiging biktima kapag hindi maayos ang pamunuan ng isang bayan o institusyon.

Sabi nila, kailangang magkaisa ng tinig o boses para mapakinggan, dito nabubuo ang konsepto na mgkaroon ng samahang non-government organization (NGO), dumami sila at nagkaroon ng iba’t ibang hangarin para sa ikalalakas ng pwersa at mas mabilis na pagkamit sa pinaniniwalaang adhikain.

Nakita ng pamahalaan ang nais ng mga NGO kaya binuo nila ang civil society organization (CSO) at ang layunin ay ­maiangat, ma-empower, at maprotektahan ang sector na ito.

Makatutulong din ito na maging mata o magbantay sa mga nailuklok na sa pwesto, sa pagtutulungan ng CSO at NGO.

Ang CSO ang nagtuturo ng karapatan ng mga NGO para sa maayos na pakikialam sa nangyayari sa bayan tulad na lamang ng pwede na silang makinig sa budget deliberations o kung saan ginagamit ng mga nasa panunungkulan ang kanilang pondo, at iba pang karapatang pantao.

Maganda ang hangarin ng mga ngtatayo nito at ang mga nagiging miyembro, subalit dahil sa kapangyarihan ng salapi, nagpapagamit ang ilan sa kanila sa mga politiko.

Ito ay dahil sa mga pangako na kapag nanalo ay mabibigyan sila ng trabaho, dahil kapag ­tinulungan natin at nanalo, bibigyan daw ng pondo ang nasabing organisasyon.

O kaya ay tutulungan silang ma-accredit sa Commission on Election (Comelec) para sa ­totoong boses at sila ay makaupo sa Kongreso.

Bibigyan din daw sila ng mga service patrol para sa lalong ikagaganda ng kanilang grupo, ilan lamang ‘yan sa mga pangako, mga pangako na hindi pa man natutupad, ang mga nasa loob ng organisasyon ay nahahati- hati.

Masakit man isipin, karamihan sa ganitong grupong binuo at nag-umpisa dahil sa pagmamalasakit at hangarin na maprotektahan ang kapakanan ng bawat kasapi nito.

Mga kasapi na umasa sa matatamis na pangako ngunit nang matalo ang sinuportahan na kandidato, personal na galit ng kalaban ang kanilang nakuha.

Pinahihirapan sila sa mga kailangan, mapa organisayon man o mapasarili, ang ilan ay napilitan nang sumuporta sa kalaban para sa sariling interest at ang iba ay nagtayo na ng sariling organisasyon dahil nasulsulan ng ilang pulitiko.

Mga taong nabuo dahil sa mabuting hangarin, sila ngayon ay pinaghiwa-hiwalay ng ilang manggagamit na mga pulitiko, hindi nila namamalayan na ang matibay nilang organisasyon ay unti-unti nang winawasak ng mga gahaman sa kapangyarihan, “divide into small group then conquer ika nga”.

Ang ilan sa malalakas na mga NGO ay sasalihan ng mga may pera o ilang mga pulitiko, susuporta kunwari at sila ay magdo-donate ng kung ano-ano.

Ang target ay ipasok sa party-list at dahil sila ang gagastos, sila ang first nominee, kaya minsan kahit hindi naman kasama sa organisasyon, bakit nominee doon?

Hindi mo naman nakita kahit isang beses sa organisasyon, bakit kalaunan ay nagiging kongresista?

Minsan kahit kaunting pera lang ay napapapayag ang mga opisyales, sabi nga nila minsan lang mangyari ito, bakit ko pa pakakawalan?

Nagkapera at nagkapondo ang grupo, nawasak naman ang ipinglalaban na binuo dahil sa kahirapan at kawalan ng katarungan, winasak dahil sa interest ng iilan.

oOo

Tumatanggap po tayo ng ano mang reaksyon at suhestiyon, mag-text po sa cell# 0939-168-3316, pwede rin po sa FB page ng KAALAMAN ni Mike Rosario.

152

Related posts

Leave a Comment