LEFTIST REP. ZARATE IPINAGTATANGGOL ANG BILYONARYONG LOPEZ

MASYADONG maluwang ang butas ng batas hinggil sa partylist ng Pilipinas dahil maging ang Bayan Muna partylist na hindi naman organisasyon ng mga mahihirap, manggagawa o magsasaka ay ilang ulit nang nanalo sa eleksyon.

Kaya, ang “leftist” o makakaliwa na aktibistang si Carlos Isagani Zarate ay matagal-tagal na ring kongresista.

Si Zarate ay kabilang sa mga aktibistang naniniwala at nananalig sa pambansa – demokratikong pakikibaka upang mapalitan ang sistema ng pamahalaan at lipunan ng Pilipinas.

Ang pambansa – demokratikong pakikibaka ay pinangungunahan ng Communist Party of the Philippines (CPP) simula pa noong 1968.

Walang dapat ikagulat kung bakit ilang beses nang nanalo sa eleksyon ang Bayan Muna dahil ang mga bilyonaryong negosyante nga ay ilang beses na ring nagwawagi sa halalan upang maging kinatawan daw ng mahihirap na sektor sa Pilipinas.

Iyon ngang boksingerong si Alberto “Bobby” Pacquiao ay naging kongresista bilang kinatawan ng Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Kamara de Representantes ngayong Ika-18 Kongreso, samantalang alam naman ng lahat ng mga Filipino na kailanman ay hindi nagtrabaho sa ibang bansa ang taong ito kahit noong napakahirap pa ng pamilya Pacquiao.

Tinanggap ito ng Commission on Elections (Comelec) at maging ng Korte Suprema.

Kaya, legal ang pagpasok ng mga pampulitikang partido tulad ng Bayan Muna ni Zarate at OFW Family Club, Inc. ni Pacquiao.

Hindi ako makikipagdebate sa legalidad ng ganyang klase ng partido ng tinaguriang “marginalized sectors” sa bansa.

Basta, ang mahalaga ay totoo at tapat nilang ipinagtatanggol ang sektor na kani-kanilang kinakatawan sa mababang kapulungan ng Kongreso.

Sa ganitong pamantayan, kayo ang maghusga kung totoo at tapat si leftist Congressman Zarate sa ginawa at ipinakita niya sa pagdinig ng prangkisa ng ABS-CBN Broadcasting Corporation kamakailan.

Nagulat at nadismaya ako nang madinig ko habang nanonood ng telebisyon na todo-todong ipinagtanggol ni Zarate ang mga Lopez at ang ABS-CBN.

Ang Lopez ay pamilya ng mga bilyonaryong negosyante.

Kabilang sila sa tinatawag na oligarko.

Ang oligarko ay napakayamang negosyante na mayroong malakas na impluwensya sa politika o gawaing politika ng bansa.

Ang mga Lopez na beterano na sa negosyong media at komunikasyon ay matagal nang napakayayamang tao na nagwawasiwas ng matinding impluwensya at kapangyarihan sa pulitika at gawaing pulitika sa bansa.

Sa kanyang pagtatanggol, mayroon pang sinabi si Zarate na ninakaw ng pamahalaan sa pamilya Lopez ang ABS-CBN noong panahon ng batas-militar at pagkatapos silang nakawan ay pinagbabayad pa ng pamahalaan ang mga Lopez.

Napakalinaw ng punto ni Zarate na walang nagawang pagkakamali o walang nilabag na batas ang pamilya Lopez o ang ABS-CBN.

Dismayadung-dismayado ako.

Hindi ko malaman kung anong uri ng panukat ang gagamitin ko upang sukatin ang haba ng pagkadismaya ko kay Congressman Zarate.

Hindi ako hanga kay Zarate.Hindi ko rin gusto ang pananaw nito sa CPP ni Jose Maria Sison.
Ngunit, isa siya sa inaasahan

kong magtatanggol sa mahihirap, manggagawa, manggagawang-bukid, mangingisda, magsasaka at marami pang iba.

Ngunit, nang ipagtanggol ni Zarate ang oligarko ay tuluyang nawala ang katiting na magandang pag-asa ko sa kongresista ng Bayan Muna.

Ang inasahan ko ay bubusisiin ni Zarate ang isyu ng mahigit 11,000 empleyado ng ABS-CBN na direktang apektado umano sa pagpapatigil ng operasyon at negosyo ng nasabing kumpanya noong Mayo 5, isang araw matapos ang 25-taong prangkisa ng kumpanya.

Inasahan ko na aalamin ni Zarate kung totoo o hindi ang mahigit 11,000 sapagkat mayroong ulat mula sa Department of Labor and Employment (DOLE) na wala pa sa 4,900 ang empleyado ng ABS-CBN.

Ang rekord naman sa Bureau of Internal Revenue (BIR) noong 2018 ay 4,322 ang kabuuang bilang ng mga empleyado ng ABS – CBN.

Inasahan ko rin na talakayin nang husto ni Zarate ang mga nakalipas na kasong paglabag umano sa batas – paggawa ng ABS-CBN.

Inabangan ko rin kung magsisitayuan ang bigote at balbas ni Zarate kung hindi maipaliwanag nina ABS-CBN Chairman Emeritus Eugenio “Gabby” Lopez III at ABS-CBN President at Chief Executive Officer Carlo Lopez Katigbak ang pagkakasibak ng substansiyal na bilang ng mga empleyado ng nasabing makapangyarihang kumpanya sa nakalipas na dalawang dekada.

Kaso, hindi ito pinagtuunan ng pansin ni Zarate.

Hindi ko talaga maintindihan na ang isang Carlo Isagani Zarate ng Bayan Muna ay mas binigyan ng malaking oras ang mga Lopez at ang ABS-CBN Broadcasting Corporation.

Paniyak, pinaghandaan nang husto ni Zarate ang kanyang mga katanungan, ang mga ililinaw niyang punto at iba’t ibang argumento upang sa dulo ay pumabor sa pagbibigay ng panibagong 25-taong prangkisa sa ABS-CBN.

Napakabilis kong maiintindihan at tatanggapin ang ginawa ni Zarate kung siya ay tradisyunal na pulitiko, patakbuhing pulitiko o mambabatas na naghahabol lang ng media publicity bilang paghahanda sa eleksyong 2022.

Kaso, hindi siya ganyan.

Si Representative Carlo Isagani Zarate ay kinatawan ng Bayan Muna sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na ang sinasabi sa 110 milyong Filipino na layunin nito ay tagapagtanggol ng mga inaapi, pinagsasamantalahan at mahihirap na sektor sa ating lipunan.

Ngayon, sabihin ninyo kung karapat-dapat kong ipagtanggol si Zarate.

116

Related posts

Leave a Comment