LEGAL ANG TAX AVOIDANCE BADILLA NGAYON

Badilla Ngayon

ILANG ulit nang binanggit ng mga reporter at news reader ng TV Patrol ng Alto Broadcasting System – Chronicle Broadcasting Network (ABS-CBN) sa mga nakalipas na buwan na nagbabayad ng buwis ang kanilang kumpanya.

Gamit ang datos ng Bureau of Internal Revenue (BIR), idiniin ng mga reporter at news reader ng TV Patrol na walang utang na buwis ang ABS-CBN sa pamahalaan, lalo na sa administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ang paulit-ulit na pagdiin nila sa publiko ay direktang sagot sa mga nag-aakusa sa ABS-CBN na hindi ito nagbabayad ng tamang buwis sa pamahalaan.

Habang nananatiling mainit ang isyu tungkol sa hinihinging panibagong 25-taong prangkisa ng ABS-CBN, naungkat sa mababang kapulungan ng Kongreso nitong Mayo 26 ang ‘di pagbabayad ng buwis ng nasabing kumpanya.

Palagay ko, ang tinutukoy dito ay ang akusasyong “tax avoidance”.

Bilang Investigative Reporter ng Periodiko Filipino Inc. (PFI), partikular ng Saksi Ngayon, inalam ko ang isyung ito.

“Pinalad” naman akong makakuha ng kasagutan.

Isinulat ko ang sagot sa aking special report na ang pamagat ay “Kokomprontahin sa mga ‘krimeng’ nagawa sa Konstitusyon, BIR at Labor Laws ABS-CBN, ‘DADAAN SA BUTAS NG KARAYOM’” na lumabas sa online ng Saksi Ngayon nitong Mayo 17 (basahin po ninyo nang buo) na galing sa mga argumento ni Mon Abrea, nagtatag ng Asian Consulting Group, na todo-todong nagtanggol sa ABS-CBN.

Binanggit ni Abrea na: “the investments made by the corporation there will be losses due to depreciation and a lot of unusual or not part of the normal operations but bulk of these expenses were charged to the income that created the losses which will be carried over for the next three years”.

Ibinawas sa ‘income’ ang ‘losses’ at ‘bulk of… expenses’ ng ABS-CBN, kaya hindi kailangang magbayad ito ng buwis dahil ang ikinalugi ng kumpanya ay mayroong epekto sa susunod na tatlong taon?

Kung tax avoidance ito, ang tanong ay pinahihintulutan ba ng National Internal Revenue Code of 1997 ang ginawa ng ABS-CBN?

Pumasa ba ang mga argumento ni Abrea sa BIR, partikular kay Commissioner Caesar Dulay?

Nabanggit din sa Special Report ko ang “Big Dipper Digital Content and Design, Inc.” na subsidiya ng ABS-CBN, ayon kay Abrea.

Naipararating at naibebenta sa maraming bansa sa daigdig ang maraming palabas at produkto ng ABS-CBN dahil sa Big Dipper.

Ganito ang nakasulat sa aking Special Report na pahayag ni Abrea: “tax free” ang Big Dipper dahil ang “tax dividends [from] domestic subsidiaries” ng mga kumpanya sa bansa tulad ng Big Dipper ay hindi na kailangang magbayad ng buwis alinsunod sa itanakda at ipinag-utos ng National Internal Revenue Code.”

Iginiit din ni Abrea na halos lahat , kundi man lahat, ng kumpanya sa Pilipinas ay mayroong subsidiaries o kumpanya sa ibang bansa hindi upang takasan ang pagbabayad ng tamang buwis sa Pilipinas kundi “…it is more beneficial in terms of resources, in terms of labor, or other infrastructure not available in the Philippines,” patuloy ng Special Report.

Isinama ko ang patuloy na pagtatanggol ni Abrea sa pag-iwas ng ABS-CBN sa pagbabayad ng buwis: “Tax avoidance is not illegal. Having a foreign subsidiary is not illegal. And there’s nothing immoral about it other than us putting malice or crucifying (ABS-CBN) just because we don’t like these people”.

Sa tingin ko, ang pamilya Lopez at mga namamahala sa ABS-CBN ang tinutukoy niyang people.

Kung legal ang tax avoidance sa Pilipinas gamit ang ibang kumpanyang pag-aari ng isang kumpanya, huwag tayong magtaka at magulat kung napakalaki nang kinikita ng taun-taon matapos magbayad ng mga ito ng buwis sa BIR.

Magkaparehong hindi pagbabayad ng buwis ang tax avoidance at tax evasion.

Nagkakaiba lamang sila sa pamamaraan nang ‘di pagbabayad ng buwis.

Ang tax avoidance ay hindi nagbabayad ng buwis ang kumpanya kung saan ang ginagamit na mga batayan ng mga kumpanya ay ang mga binabanggit ng National Internal Revenue Code of 1997, mga batas sa pagnenegosyo, sa korporasyon at pagkakaroon ng kung anu-anong “foundation” para “social responsibility” ng isang korporasyon.

Kaya, mukhang legal ang pag-iwas sa pagbabayad ng buwis sa BIR.

Ang tax evasion naman, sa kabilang bansa, ay literal na hindi pagbabayad ng buwis gamit ang kung anu-anong legal na argumento upang makalusot sa BIR.

Maraming dambuhalang kapitalistang ganyan sa Pilipinas.

Dito, kumikita nang limpak-limpak na pera ang mga kawatan o korap na mga opisyal at kawani ng BIR.

Kumbinsido akong muling rebyuhin, pag-aralan at baguhin ng mga senador at kongresista ang batas sa buwis upang hindi legal ang tax avoidance sa Pilipinas.

82

Related posts

Leave a Comment