LGUs MALAKAS KAY BBM AT LAM KAYA UNTOUCHABLE ANG HI-TECH JUETENG SA MINDORO?

BALYADOR ni ROLAND BULA

HANGGANG sa kasalukuyan ay hindi pa rin kumikilos ang gobernador tungkol sa matagal nang operasyon ng ilegal na sugal sa Oriental Mindoro.

Ito ay kahit sandamukal na ang reklamo na nakararating sa SAKSI Ngayon, ay wala pa ring aksyon na ginagawa si Governor Humerlito “Bonz” Dolor laban sa hi-tech jueteng na sinasabing corporation.

Ayon sa reklamo, ‘malamya’ ang gobernador tumugon sa kampanya ng pamahalaan kontra ilegal na sugal.

Sinabi ng source na malabo at walang kasiguraduhan na mapahihinto ang ilegal na sugal ng administrasyong Dolor sa kabila ng panawagan ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na sugpuin ang ilegal na sugal sa Oriental Mindoro, partikular ang jueteng na front ang Small Town Lottery o STL.

Base nga sa memorandum na inisyu kamakailan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) noong Abril 22, 2022, inatasan dito ang local government units (LGUs) sa pagpapahinto sa operasyon ng korporasyon na Hi-Tech Jueteng pero imbes na tugunan at makiisa ay mismong LGUs diumano ang kumuha ng prangkisa para magkaroon sila ng malaking kita.

Pati nga raw ang national project ng Office of the President na Small Town Lottery sa PCSO ay pinanghihimasukan na rin ng ilang maimpluwensyang politiko sa Oriental Mindoro kung saan ipinangangalandakan pa nila na malakas sila kay Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. at kay First Lady Liza Araneta Marcos.

Ayon sa source, kaya umanong pasunurin si PCSO General Manager Melquiades Robles sa kagustuhan ng ilang maimpluwensyang LGUs at pangingialam ng mga ito sa Franchise ng STL, maging ang pangha-harass nila sa STL operator kung saan inutusan pa nga raw ang PCSO GM na palitan ang STL sa Oriental Mindoro.

Ang masaklap dito, naging hi-tech jueteng pa ang operasyon sa Oriental Mindoro na ang tayaan GCash at GCash din ang bayaran ng patama na ang resulta ay ipinadadala sa pamamagitan ng Facebook messenger.

Sinabi din ng source, na ang maimpluwensiyang LGUs ang diumano’y nangangasiwa sa hi-tech jueteng corporation sa Oriental Mindoro na may direktang koneksyon sa Malacañang at sa Camp Crame!

Bunga nito, dapat paimbestigahan ni DILG Secretary Benhur Abalos ang hindi mapatigil na hi-tech jueteng corporation, sinasabing kakambal ng sugal ang iligal na droga na malala diumano ngayon sa nasabing lalawigan.

Bakit ko nga pala nasabing hi-tech jueteng, kasi nga lahat ng kubrador, kabo at mananaya ng jueteng ay may mga sariling apps sa kanilang cellphone at doon din mismo ipinadadala ang kanilang taya.

Kahit sa mga patama ay ‘paper less transaction’ na rin dahil ipinadadala sa GCash at PayMaya ang bayaran.

Lahat ng kabo, kubrador at table manager ay naka-unli load para nga naman sa oras ng tayaan, bayaran at ingreso ay hindi sila mauubusan ng pondo.

Totoong mahirap itong hulihin ng mga awtoridad pero wala naman sigurong kokontra sa matagal nang kasabihan na: ‘Kapag gusto ay may paraan, at kapag ayaw ay maraming dahilan.’

Kung tutuusin, challenging ang mga impormasyong ganito para kay Abalos dahil kahit anong lalim ng sindikato – hi-tech man sila o ano pang kakaibang diskarte at pamamaraan – tungkulin, trabaho at obligasyon ng mga awtoridad na sila’y sawatahin.

Habang sinusulat natin ang impormasyon ito ay pilit nating tinatawagan ang telepono ni Gov. Dolor subalit ring nang ring lamang ito.

Infairness kay Gov. Dolor, kilala nating matino at mahusay na public servant ito na naging lider din ng Sangguniang Kabataan (SK), na hanggang ngayon ay iniidolo ito ng maraming kabataan, at laki sa simbahan.

152

Related posts

Leave a Comment