LIAISON OFFICERS NA FIXERS SA BI, TULOY?

PUNA  ni JOEL O. AMONGO

KAHIT anong gawing press release ni Commissioner Norman Tansingco na pabibilisin nila ang overseas Filipino workers (OFWs) clearances, kung hindi mawawala ang kalakaran o SOP na pag-iipit ng P250 hanggang P500 kada folder ng bawat parukyano ng Bureau of Immigration (BI), ay hindi ito mababago.

Kamakailan, ibinulgar sa PUNA ng dating empleyado ng BI, na SOP o kalakaran na sa Immigration ang paglalagay ng P250 hanggang P500 sa bawat may transaksyon sa naturang opisina.

Kaya kung walang nakalagay na pera sa folder ay hindi ito aasikasuhin ng liaison officers kung kaya’t lulumutin sa tagal at matetengga sa Immigration ang folder na walang lamang P250 hanggang P500.

Kaya sabi sa PUNA ng ating tagasubaybay, ang inilalabas na press release ng BI na mapabibilis ang OFWs clearances ay mistulang papogi lang ni Tansingco sapagkat posibleng hindi ito mangyari dahil sa umiiral na SOP na paglalagay ng P250 hanggang P500 kada folder.

Hindi naman daw si Tansingco ang nagdadala ng mga folder ng mga parokyano sa iba’t ibang dibisyon o departamento ng Immigration, kundi ang liaison officers.

Kaya ang liaison officers ang nakakaalam kung ano ang kanilang gustong ipasingit sa bawat folder ng mga parukyano.

Noong isang araw ay nagpalabas ng press release ang BI na may kinalaman sa OFW Department Clearances at ito ay pabibilisin daw.

Ito ay sa pamamagitan ng Overseas Employment Certificate (OEC) system na isasama sa kanilang system na magdudulot ng mabilis na departure clearances para sa OFWs.

Sinabi ni Tansingco, ang pagsasamang ito ay pangunahing sangkap ng Bureau’s modernization strategy, na nakalinya sa vision ng isang “Bagong Immigration towards the Bagong Pilipinas.”

Ang OEC, o ang OFW Pass, ay magsisilbi bilang exit clearance and verifies employment abroad para sa Filipino workers.

Sa bagong sistemang ito, ang BI at ang Department of Migrant Workers (DMW) ay mayroon na ngayong real-time data sharing capabilities, makabuluhang magpapabilis sa proseso ng Immigration clearance.

Ang kalakarang ito ay matagal nang nangyayari sa Immigration na ang tumatayong “fixers” ay ang kanilang liaison officers, ayon pa sa sumbong sa PUNA.

Kadalasang mga biktima nito ay ang first timer OFWs na hindi pa alam ang kalakarang ito.

Nalalaman lamang ito ng first timer OFW kapag nagtanong siya sa dati nang nag-abroad at nakaranas na rin ng nabanggit na kalakaran na pag-iipit ng P250 hanggang P500.

Minsan naman ay binubulungan sila ng ilang liaison officer na may SOP na kailangan mag-ipit ng pera sa folder para mapadali ang proseso ng kanilang mga dokumento.

Kaya ang ibang first timer OFW ay nakasusunod sa SOP dahil sa impormasyon na ibinubulong sa kanila ng ilang liaison officer. Galing naman, may timbre kung ano ang gagawin.

Ngayon lang natin nalaman na ganoon pala kumita ng malaking pera ang liaison officers ng BI. Hanep!

oOo

Para sa sumbong, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0916-528-8796.

48

Related posts

Leave a Comment