LOVEBIRDS NG BI-CLARK, POWER TRIPPING?

BISTADOR Ni RUDY SIM

KINALAMPAG ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang tanggapan ni Commissioner Norman Tansingco na bigyang pansin ang umano’y tila paghahari-harian ng isang “love team” na opisyales na nakatalaga sa Clark International Airport, na maaaring makasira sa planong pagbabago upang malinis ang ahensya laban sa katiwalian.

Sa sumbong na pinarating sa atin, isang Immigration officer umano na si alias “JR” ang tila nag-power trip dahil sa nakadikit at karelasyon ito ng isang mataas na opisyal ng CIA na tagahanga ni Aiza Seguerra? “Pagdating ng panahon, baka ikaw rin at ako; kung wala ka nang maintindihan, kung wala ka nang malapitan, kapit lang sa akin, hindi kita bibitawan….hmm…parang iba po ata ang napanood ko, sa “Ang Pro­binsyano” pala iyon.

Karapatan ng bawat isang manggagawa na magkaroon ng lehitimong leave sa trabaho ngunit ito umano ay ipinagkakait ng “love birds” sa kanilang mga tauhan pero kung para sa kanilang kamunduhan ay anomang oras umano nilang gustuhin ay mayroong oras para rito at nakuha pa umanong magbakasyon sa Bohol para sa kanilang anniversary…taray! Ang sweet, ano po? “I have to hands, the left and the right, but one of my finger is missing, right?” Naku po! Pasensya na at absent ata ako noong itinuro ng teacher ko ‘yan.

Maaaring dapat din kausapin ni Tansingco ang mga ­ordinaryong kawani ng ahensya upang marinig ang kanilang mga daing hinggil sa labis na kalupitan na kanilang nararanasan kung kaya’t ang ilan dito ay kusa na lamang umaalis at ang iba naman ay ipinatatapon kapag napag-iinitan ni alias “JR” na nakuha pang magpa-promote sa TCEU dahil nabigo itong makuha ang ­pagiging bisor?

Dalawang IO umano sa Clark na sina alias “Notary Public” at alias “Laki Mata” ang hanggang ngayon ay binebeybi ng “love birds” dahil sa kanilang talento sa pamamasahero na matagal nang business at gawain sa lahat ng paliparan sa bansa. Sino na naman kaya ang nagbigay sa kanila ng pahintulot na magpalusot ng pasahero at sino ang binibigyan ng Tara? Kahit sino talaga ang mamuno sa anomang ahensya ng pamahalaan ay hindi maiiwasan na mayroon pa ring mga bulok.

Kung kamakailan ay pinilay ni Tansingco ang pagkakatalaga sa mga tiwaling opisyales sa NAIA, ay dapat din sanang tingnan nito sa Clark kung sino ang mga dapat ilagay at ipatapon sa kangkungan.

Samantala, pinasalamatan naman ng mga job order employees ng BI ang pagbabalik sa makatarungang suweldo ng mga ito, matapos aprubahan ni Tansingco upang bigyang halaga ang hirap at malasakit ng maliliit na mga tauhan ng ahensya matapos ang ilang taon na pagtitiis mula nang halos kalahati ang ibinawas ni dating Commissioner Jaime Morente na sinasabing walang pakialam sa kanyang mga tauhan.

(ANG mga ipinapahayag sa kolum na ito ay ­sariling opinyon ng sumulat at hindi ­saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)

58

Related posts

Leave a Comment