LUCKY PUNCH SA SINIBAK NA BI KUME!

BISTADOR ni RUDY SIM

TILA atomic bomb na sumambulat sa buong sambayanan ang biglaang pagsibak ng Palasyo kay Bureau of Immigrations Commissioner Norman Tansingco. Nangyari ito habang nasa kasagsagan pa ng Senate hearing tungkol sa hindi pa natutukoy na pagpuslit sa bansa ni dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo kasama ang dalawa pa niyang kapatid na sina Wesley Guo at Shiela Guo.

Sa naturang pagdinig, una nang tinanong ni Senador Francis Tolentino si Tansingco kung ano ang masasabi niya tungkol sa nababalitang pagsibak sa kanya ng Malacañang? Datapwa’t ipinagkibit-balikat lang ito ng nasabing komisyoner, sinabi niya na pawang chismis lang ito sa social media.

Gayunpaman, hindi pa natatapos ang session nang biglang ideklara ni Presidential Communication Chief Cesar Chavez na inaprubahan na ni Presidente Bongbong Marcos na i-relieve si Tansingco na ikinagulat ng lahat. Lucky punch ang tawag sa ganyan, Kume!

Kasabay nito ay masigabong palakpakan at hiyawan mula sa mga empleyado ng Intramuros ang nakitang reaksyon sa mga tao, gayundin sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), at mga sangay ng BI sa iba’t ibang karatig na mga probinsya. Para sa kanila, nanaig ang kanilang panalangin na mamaalam nang tuluyan ang kanilang bossing, na para sa kanila ay hindi nakapagdulot ng tamang direksyon at maayos na reporma sa mga isyung kinasasangkutan ng ahensya. Naaninag naman ang kalungkutan sa mga sipsip at nakinabang nang husto sa panahon ni Tan5.

So ano na ang mangyayari ngayon sa mga alipores ni Kume diyan sa BI main? Paano na ngayon ang dalawa nitong muchacha na sina Jengjeng Bansosita at Donya Bolitas sa OCOM? Eh ‘yung sulsultant kaya nitong si Aldin Boyba? Balik kural na ba? Ha ha ha!

Hindi lang natin alam kung nagawa ba ng friendships niya sa OCOM na magpapirma ng Personnel Orders para magsitago sa kanilang mga lungga!

Bumanat din ng mga katagang “I did my best but my best was not good enough” ala-James Ingram na farewell message si Kume. Sa kanyang opisina ay sari-saring iyakan at huling silip ang natanggap nito mula sa kanyang well-wishers para sa kanyang “Mi Ultimo Adios!” Parang si Ka Pepe lang noong bibitayin ito sa Bagumbayan. Ngek!

Well, sayang naman at inabot lang ng dalawang taon ang pag-upo ni Tansingco. Hindi niya napantayan ang 6 na taon na ginugol ni dating BI Commissioner Jaime Morente noong panahon ni Tatay Digs. Kung naging patas lang sana siya sa pakikipag-ugnayan sa kanyang mga nasasakupan, sana ay suportado siya ng buong ahensya at hindi ‘yung mga Kachikahan, Kakaperahan at Kagimikan lang ang kanyang katsokaran!

Sa ngayon ay pansamantala munang itinalaga ni Department of Justice Secretary Crispin “Boying” Remulla ang ka-brod niya sa fraternity na si BI Deputy Commissioner Joel Viado bilang Officer-In-Charge ng BI. Limitado lang ang magiging functions ng isang OIC kaya naghihintay pa ang lahat kung sino ang hahalili sa trono ni Tansingco.

Bago pa man natin malimutan, ‘yun nga palang naiwan ni Kume diyan sa OCOM, mag-umpisa na siguro kayo mag-sanitize ng mga marka na naiwan ng inyong bossing. Nang sa pagdating naman ng bagong commissioner ng Bureau ay hindi masangsang ang hangin sa kanyang daratnang opisina!

Adios Mabalos, Kume!

(Ang mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)

76

Related posts

Leave a Comment