LUTASIN KAAGAD ANG PROBLEMA SA PABAHAY

OPEN LINE Ni BOBBY RICOHERMOSO

KAMAKAILAN ay naglabas ng pahayag ang Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) kaugnay sa plano nito na lutasin ang kasalukuyang problema sa pabahay na umiiral sa bansa.

Base sa kanilang sariling tala, umabot na umano sa mahigit na anim na milyon ang backlog o kakulangan sa pabahay ng ating mamamayan na kailangang matugunan ng ating pamahalaan.

Kung pagbabasehan ang average na bilang na anim na miyembro ng isang pamilyang Pilipino, ibig sabihin ay umaabot sa 36 milyon na katao ang matatawag na informal settlers o walang sariling disenteng tahanan.

Malaking problema nga ito at dahil alam naman natin na talagang sinsero si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na matulungan ang mahihirap nating mga kababayan, tiyak ko na tututukan niya ito para mabigyang pansin ng pamahalaan.

Magandang bagay rin na talagang desidido si DHSUD Secretary Jose Rizalino Acuzar na makatulong at malutas ang napakalaking ­problema na ito.

Patunay na rito ang pagiging tapat niya sa pag-uulat sa Senate Committee on Urban Development, Housing and Resettlement kaugnay sa totoong kalagayan ng programa ng pabahay sa bansa.

Sa totoo lang, maraming kaakibat na suliranin ang kawalan nang maayos na tahanan ng ating mga kababayan.

Dahil kung walang maayos na tahanan ang isang pamilya, ibig sabihin ay may problema rin sila sa kalusugan at hygiene, hindi rin makapag-aaral nang maayos ang mga bata samantalang hindi rin ­makapagpapahinga nang maayos ang buong pamilya sa gabi.

Sa panahon ng tag-ulan at mga kalamidad ay nalalagay rin ang ­buhay nila sa panganib dahil karamihan sa kanila ay nakatira sa tinatawag na danger zones o iyong mapanganib na mga lugar tulad ng tabing ilog o ‘di kaya sa mga tambakan ng basura.

Marami rin sa kanila ang nakatira lang sa mga kalsada at mga kariton na naglalagay sa kanila sa panganib, lalo na ang mga menor de edad, mula sa kamay ng masasamang loob at mapagsamantalang mga grupo at indibidwal.

Talaga ngang hindi mabilang ang mga problemang kaakibat ng kakulangan sa maayos na pabahay sa bansa, kaya hindi na dapat magpatumpik-tumpik pa si Acuzar dahil napakalaki ng responsibilidad na nakaatang sa kanyang balikat.

Sapagkat talaga naman na isa sa mga prayoridad ni PBBM ang ­mabigyan ng disente at maayos na pabahay ang mahihirap nating ­kababayan, kailangang kumilos na agad ang mga taga DHSUD.
Huwag na sanang tularan ni Acuzar ang mga nauna sa kanya na tila puro plano at pangako ang ginawa, kung kaya’t sa halip na mabawasan ay lalo pang nadagdagan ang kakulangan sa pabahay sa bansa.

Ngayon pa lang ay hanapin na nila ang mga prayoridad na lugar kung saan maraming mga kababayan natin ang nangangailangan ng tulong, at ganoon din naman na huwag namang gawing negosyo ang programa ng pabahay.

Alam naman nating lahat na kaya nga wala silang tirahan ay dahil wala silang kakayahang magpatayo o mangupahan, kaya huwag na sana silang pagkaperahan o ‘di kaya ay magamit para kumita ang iilang ­kontratista.

Sa madaling salita ay lutasin na agad ang problema sa kakulangan sa pabahay dahil iyon ang nais ni PBBM at huwag na ring pahirapan ang mga benepisyaryong mahihirap na Pilipino!

105

Related posts

Leave a Comment