MAAGAP SA PANGARAP

HINDI pa man nakaka-isang taon sa pwesto, ramdam na sa Senado kung sino ang mga pumupustura para sa 2028 presidential election.

Ang mga kilala sa mundo ng showbiz na napadpad sa plenaryo, kanya-kanyang paandar sa napipintong pagtakbo sa posisyon ng Pangulo – nagtutulakan, nagkakantyawan na para bang nasa talk show sa telebisyon.

Sa gitna ng isang pagdinig sa Senado, nagpalitan ng paandar ang dalawang senador – sina Senators Robinhood Padilla at Grace Poe – kaugnay sa posibleng pagsabak sa 2028 presidential election.

Pambungad ng tinaguriang Bad Boy ng Pelikulang Pilipino kay Poe: “Narito naman ang dugo ng hari ng pelikulang Pilipino, ang nag-iisang bandera po ng industriya ng pelikulang Pilipino para maging Pangulo ng Pilipinas, Senator Grace Poe.”

Para bang sine ang plenaryo sa mabilis na tugon ni Poe kay Padilla “No, huwag mo ipapasa sa akin ang dapat na sa iyong isyu ngayon ha. Ikaw ang mas napapabalita dyan. Ako, tapos na ako dyan, kota na ako.”

Pero katulad ng mga eksena sa mga pinagbidahang pelikula, si Padilla “no retreat, no surrender” sa patutsadahan – “Sa iyo ako boboto.”

Paniwala ng mga senador at mga miron sa plenaryo, may tambalang nabuo sa posisyon ng Pangulo at Pangalawang Pangulo. Padilla-Poe o Poe-Padilla?

Hindi maitatanggi ang ambisyon ni Padilla na nakasandig sa resulta ng nakaraang halalan.

Batay sa datos ng Senado, walang pinalampas na pagdinig at deliberasyon si Padilla. Hindi rin matatawaran ang kanyang sigasig sa pagdalo sa iba’t ibang pagtitipon sa labas ng gusali ng Senado. Ang bawat imbitasyon, kanyang tinutugon.

Pati public hearings kaugnay ng isinusulong na ChaCha, dinadala niya sa iba’t ibang probinsya na para bang sagot ng gobyerno ang kanyang maagang pangangampanya.

28

Related posts

Leave a Comment