MAAYOS NA PAG-IISIP IPAKITA NI SENADOR KIKO PANGILINAN

ILANG beses na akong naka kabalita o nakakarinig ng taong napakalayo sa pangyayari ang “analysis” o pagsusuri sa isang pangyayari.
Mayroong abogado, journalist, komunista at pulitiko.

Ang pinakabago sa kanila ay si Senador Kiko o si Francis Pangilinan na Pangulo ng Liberal Party, ang partido ng mga dilawan.

Walang problema kung i minungkahi ni Pangilinan na magsagawa ng imbestigasyon ang Senado hinggil sa pagkakapatay ng ilang tauhan ng Philippine National Police (PNP) sa apat na kasapi ng Philippine Army (PA) kahit nagsasagawa na ng sariling imbestigasyon ang National Bureau of Investigation (NBI) sa naganap na krimen.

Maaaring palampasin ang ideyang ito ni Pangilinan.

Ngunit, hindi dapat palampasin ang ginawa niyang pagkabit sa naganap na masaker o pagpatay sa mga sundalo sa Anti-Terror Act of 2020.

Ito ang pahayag ni Pangilinan sa kanyang press statement noong Hulyo 1: “Nakakabahala ang balitang ito. Ngayon pa lang na hindi pa batas ang anti-terror bill, may nangyayari nang ganito. Ano na lang ang laban ng ordinaryong tao?”

Ngayong batas na ang nasabing panukala, hindi ito nakaugnay sa pagpatay ng siyam na pulis sa apat na sundalo.

Hindi papatay ng mga sundalo ang mga pulis upang patunayan na wasto at mayroong matapang at malakas na batas laban sa mga terorista.

Hindi rin imamasaker nang sadya ng mga pulis ang mga ang pangkaraniwang tao upang patunayang tama ang paninindigan ng administrasyong Duterte na kailangan ng matapang at malakas na batas laban sa terorismo.

Napakalabo ng pagsusuri ni Pangilinan.

Napakalayo sa pangyayari ang kanyang pagsusuri.

Ayon sa pinuno ng Philippine Army na si Lt. Gen. Gilbert Gapay, mayroong sinusundang mga terorista sina Major Marvin Indammog, Captain Irwin Managuelod, Sergeant Jaime Velasco at Corporal Abdal Asula.

Pinahinto sila ng mga pulis at sinabi sa mga ito na mga sundalo sila ng PA.

Pero, pinagbabaril pa rin ng mga pulis ang apat.

“Murder” ang naganap, giit ni Gapay.

Hindi pa inaaprubahan ni Duterte ang batas sa terorismo noong Hunyo 29, ngunit kumilos na ang apat na sundalo laban sa dalawang suicide bombers ng Abu Sayyaf Group (ASG) na mga tauhan ni Mundi Sawadjaan.

Tandaan ni Pangilinan na ang pagtugis sa mga terorista ay matagal nang trabaho ng mga sundalo at mga pulis.

Totoong nakakabahalang pagpapatayin o imasaker ng mga pulis o sundalo ang mga pangkaraniwang tao sa mga susunod na buwan at taon dahil sa pinaigting na kampanya ng pamahalaan laban sa terorismo ngayong batas na ang ATB.

Ngunit, hindi dapat ginamit na batayan ni Pangilinan ang ginawa ng mga pulis sa mga sundalo sa Jolo, Sulu upang ‘barilin’ ang ATB.

Sana, inutusan ni Pangilinan ang kanyang mga empleyado na maghanap ng mga pangyayari, kahit dalawang lang, sa panahon ni Pangulong Rodrigo Duterte na pinagbabaril ng mga pulis o sundalo ang mga manggagawa o manggagawang-bukid dahil konektado sila sa Communist Party of the Philippines/New People’s Army/National Democratic Front of the Philippines  (CPP/NPA/NDFP).

Nagpahagilap din si Pangilinan ng ibang batayan upang maging makatotohanan ang kanyang pagmamalasakit sa mga pangkaraniwang taong mamamatay dahil sa batas laban sa terorismo.

Kung nakahagilap ang kanyang mga tauhan, malakas ang ‘bala’ ni Pangilinan para barilin nang barilin nito ang Anti- Terrorism Act of 2020.(NELSON BADILLA)

71

Related posts

Leave a Comment