MABABAW NA PANGARAP NI BBM

CLICKBAIT Ni JO BARLIZO

MAGANDANG pakinggan ang “much better” Philippines at ang “bring home a friend” na kalakip sa panunuyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga Pilipino sa Amerika na tumulong para itaguyod at isulong ang bansa, lalo na ang turismo.

Maliban na lamang kung hindi ito salungat sa tunay na sitwasyon na nangyayari sa Pilipinas, o kaya produkto ng matingkad na pananalita na lumabas sa kakulangan o kawalan ng kaalaman sa realidad, ang paghikayat ay maaaring kagatin ng mga Pinoy na naninirahan sa Tate.

Gayunman, kung malamig ito sa pandinig ng mga Pinoy na nasa Tate, ito ay malabnaw naman sa mga lokal na nakararamdam ng malalang sitwasyon dito.

Ang ginagawang tuntungan ni Marcos Jr. sa kanyang paghikayat ay itinuturing ng iba na resulta ng nananaginip nang gising, mababaw na pangarap at kahambugan.

May mga programa ang pamahalaan sa pagpapaunlad, pagpapalaganap at pagsulong sa turismo ng bansa kaya katiting na ambag lamang ang maibibigay ng mga Fil-Am sakaling tupdin nila ang panunuyo ng pamahalaan na dalhin sa pag-uwi nila ang kanilang mga kaibigan, pamilya at mga kaanak para makita ang ganda ng Pilipinas.

Maganda ang Pilipinas kaya isa ito sa mga paboritong destinasyon ng mga banyagang turista, ngunit higit na uunlad ang industriya kung bibigyan atensyon ng pamahalaan ang pagtatayo ng mga imprastraktura, pasilidad na pangturismo, pagpapaganda ng mga lansangan, ng transportasyon, seguridad at higit sa lahat, mabuting pangangasiwa ng mga may poder.

Paano itutulak ang turismo kung ang mga problema na katatakutan ng mga banyagang nais bumisita ay hindi nilalapatan ng solusyon at hinahayaang nakabalandra at kumukulapol sa imahe ng bansa?

Sa NAIA pa lamang sablay na, paano sila maeengganyo?

Wala pa sa kalagitnaan ng taon ay dalawang ulit na nagkaaberya ang pambansang paliparan na nagsisilbing mukha ng Pilipinas sa mundo.

Madilim, mainit, nakaiirita at santambak ang pasaherong inistorbo. At paulit-ulit itong mangyayari dahil walang nananagot.

Hindi sapat ang ganda ng tanawin para mahikayat ang mga dayuhan. May mas higit pa rito na pang-akit.

Gusto pang maging “partner” ang mga naninirahan sa ibang bansa na hindi naman isasakripisyo ang pinaghirapan, tiniis at pagpupunyagi para umuwi lamang “for good.”

Nasa banig na sila, bakit lilipat pa sa sahig?

Ano ba ang konteksto ng “much better” Philippines? At sa anong paraan naging mas mabuti ang bansa?

Hindi masama ang mangarap, ngunit wala itong buti na ibubunga kung iaasa ang pag-asa at pangarap sa labas at lihis ng katotohanan.

Korapsyon lang
‘di kinakapos

Puro reklamo na lang ang maririnig mo ngayon dahil mistulang ‘shortage government’ daw ang pamumuno ni Marcos Jr.

Sa korapsyon at kapalpakan na lang daw ata walang shortage ngayon sa gobyerno.

Pano kasi, ang admin ni BBM sinimulan sa shortage sa bigas, may shortage sa asukal, sa manok, sa itlog, sa sibuyas at ngayon naman shortage sa plastic cards na ginagamit sa iniisyung plaka at license cards ng LTO.

Isingit mo pa ang shortage sa kuryente. Buti na lang at naresolba na ang power crisis sa Occidental Mindoro pero nagkakaaberya naman ngayon sa Western Visayas.

Onli in da Pilipins nga naman na may lisensyang papel at ikaw pa ang mag-iimprenta. Ang National ID na pinagkagastusan ng bilyong budget ng gobyerno ay usad-pagong at marami ring sablay.

Ang tagal na nga ng pag-iisyu, may mga reklamo pa ng malabong images sa card at may mga card na hindi raw mabasa makalipas ang tatlong buwan. Hindi rin ito tinatanggap o kinikilala ng ilang financial institutions dahil sa kawalan ng signature.

Kailangan na ng accountability sa mga aberyang ito. Sibakin ang mga dapat sibakin at kasuhan para magsilbing babala sa mga susunod na ipupwesto.

Hangga’t hindi nangyayari ‘yan ‘wag nang umasa ng pagbabago. Mananatiling ginagago tayong mga Pilipino.

 

147

Related posts

Leave a Comment