MAHIGIT siyam na taon na rin ang nakakalipas mula nang arestuhin ng mga elemento ng 2nd Infantry Division ng Philippine Army ang isang grupo ng mga doktor at health workers sa isang resort sa Morong, Rizal sa hinalang mga miyembro ito ng New People’s Army.
Pebrero 6, 2010 nang arestuhin ng 2nd ID ang tinawag na “Morong 43” na pinaratangan ng militar na mga rebeldeng komunista na dumadalo sa isang seminar kung paano gumawa ng bomba at iba pang uri ng pampasabog.
Sumailalim sa matinding interogasyon at pananakot ang 43 doktor at manggagawa sa kalusugan kung saan kabilang ang 26 na kababaihan habang nakakulong sa Camp Capinpin sa Tanay, Rizal.
Kasong illegal possession of firearms and explosives ang isinampang kaso ng Philippine Army laban sa “Morong 43” na ibinasura ng hukuman na nagresulta sa paglaya ng mga akusado noong Disyembre 17, 2010.
Ito’y sa kabila ng pagsasabi ng may-ari ng resort sa Morong na ang naturang seminar ay sponsored ng Council for Health Development na isang pribadong organisasyon ng mga doktor at health workers.
Nagkontra-demanda ang 38 miyembro ng “Morong 43” sa kanilang kuwestiyonableng pag-aresto at detensyon at ang naturang kaso laban sa 2nd ID ng Army at ilang opisyal ng administrasyong Arroyo na ngayo’y dinidinig ni Judge Catherine Manodon ng Quezon City Regional Trial Court (RTC) Branch 224.
Napag-alaman na lima sa “Morong 43” ang patuloy na nakadetine sa Camp Capinpin matapos umamin ang mga ito na miyembro ng NPA.
Abril 2011 nang isampa ng “Morong 43” ang isang civil suit (for damages) laban kina dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo; dating Army chief Lt. Gen. Victor Ibrado; dating Armed Forces chief of staff Gen. Delfin Bandit at dating Defense Secretary Norberto Gonzales.
Sa sala ni Judge Ma. Luisa Quijano-Padilla ng Quezon City RTC Branch 226, unang napunta ang civil suit at noong Setyembre 2011 ay ipinag-utos ng hukuman ang pagsagot ni Gng. Arroyo at 10 iba pa sa demanda ng Morong 43.
Enero 2012 nang hilingin ng mga akusado sa hukuman na ibasura ang kasong civil suit. Umabot sa Court of Appeals ang naturang petisyon nina Arroyo pero natalo sila nang pagtibayin ng CA Special Eleventh Division na tama ang naging November 2012 resolution ni Judge Afable Cajigal of RTC Branch 96 na siya nang may hawak ng kaso at unang nagbasura sa mosyon ng mga abogado ni Gng. Arroyo.
Mukhang matatagalan pa bago makuha ng “Morong 43” ang pinakaaasam na katarungan at ito ay sa anyo ng danyos na kanilang hinihingi sa civil suit na laban kina Gng. Arroyo at 10 iba pa na responsable sa kanilang dinanas na hirap sa detensyon sa loob ng 11 buwan.
Hindi naman lihim na mabagal ang proseso ng katarungan sa ating bansa at hindi natin masasabi kung kailan magkakaroon ng resolusyon ang kanilang civil suit na siyang magsisilbing closure para sa “Morong 43.” (Sidebar / RAYMOND BURGOS)
426