CLICKBAIT ni JO BARLIZO
MAAGAP si Pangulong Marcos. Saan? Sa pagproklama ng special non-working holidays.
Inilabas ng Malacañang ang serye ng Presidential Proclamations na nagdedeklara ng special non-working holidays sa partikular na mga siyudad at munisipalidad sa buong bansa para sa nalalabing dalawang buwan ng 2024.
Mabilis nga sa pagproklama na tila higit na prayoridad ng Pangulo ang mga selebrasyon kaysa tutukan ang mga nangyayaring hindi maganda sa bansa.
Heto ang listahan ng special non-working days ngayong Nobyembre:
Nobyembre 12 – Special (Non-Working) Day sa Lungsod ng Valenzuela sa bisa ng Proclamation No. 711
Nobyembre 15 — Special (Non-working) Day sa Lalawigan ng Oriental Mindoro sa ilalim ng Proclamation No. 712
Nobyembre 22 – Special (Non-working) Day sa City of Palayan, Province of Nueva Ecija sa ilalim ng Proclamation No. 713
Nobyembre 22 – Special (Non-working) Day sa Itogon, Benguet (Proclamation No. 715)
Nobyembre 22 – Special (Non-working) Day sa Tublay, Benguet (Proclamation No. 716)
Nobyembre 23 – Special (Non-working) Day sa Lalawigan ng Benguet (Proclamation No. 717)
Nobyembre 25 – Special (Non-working) Day sa Municipality of Maragusan, Province of Davao de Oro (Proclamation No. 718)
Nobyembre 26 – Special (Non-working) Day sa City of Dasmariñas, Lalawigan ng Cavite (Proclamation No. 719)
Nobyembre 28 – Special (Non-working) Day sa Lalawigan ng Sarangani (Proclamation No. 720)
Nobyembre 28 – Special (Non-working) Day sa Municipality of Piñan, Lalawigan ng Zamboanga del Norte (Proclamation No. 721)
Nobyembre 8 – Special (Non-working) Day sa Municipality of Tanay, Lalawigan ng Rizal (Proclamation No. 725)
Nobyembre 15 – Special (Non-working) Day sa City of Borongan, Province of Eastern Samar (Proclamation No. 726)
Para naman sa Disyembre 5, ngayon ding taon – Special (Non-working) Day sa City of Palayan, Nueva Ecija (Proclamation No. 714).
Inilabas din ni Marcos ang Proclamation No. 724 na nagdedeklara sa buwan ng Disyembre ng bawat taon bilang Philippine Architecture Festival – National Architecture Month, na magbibigay pansin sa kontribusyon ng mga arkitekto.
Talo pa ang agos ng baha ng rumaragasang mga holiday at selebrasyon na mabilis na pinoproklama ng Pangulo, ah!
Baka nga naman, mawala na ang gutom.
Pero kung may mga nagdiriwang sa panahon ng mga holiday na walang pasok, iyak naman ang mga ordinaryong manggagawa. Talo sila dahil bawas ang sahod.
“No work, no pay” rule.
Sa kalagayang kapos ang suweldo sa gastusin, malamang na pumasok na lang ang manggagawa. Ano nga naman ang mahihita sa holiday kung walang laman ang bulsa.
Ang mga empleyado na nag-report para magtrabaho sa special non-working holiday ay dapat bigyan ng dagdag na 30% ng kanilang regular na sahod para sa unang walong oras na trabaho.
Alin ang kakagatin? Ang 30 bahagdang dagdag o maglagalag?
Ang dapat kasing pinoproklama ni PBBM ay paano mapauunlad ang buhay ng mahihirap. Paano maibsan ang gutom.
Daming pwedeng tuunan ng pansin eh mas priority pa ang holiday.
o0o
Maikling Trivia
Ganito pala kaya naging Undas ang tawag sa Dia De Los Todos Santos o ang Day of All Saints.
Gawi raw ng mga Pinoy noon na paikliin ang mga kataga o salita, at dahil karamihan ay hindi nakapag-aral ng wikang banyaga kaya pinaikli na lang ‘yung mga pahayag.
Masidhi ang paggunita at pagdiriwang ng mga Pilipino sa Undas at Araw ng mga Kaluluwa.
Matandang tradisyon at mayamang kultura ng mga Pinoy na ipagdiwang ang Undas tuwing Ika-1 ng Nobyembre o unang Linggo ng Pentekostes, bilang pag-alaala sa lahat ng santo o banal.
Sinusundan ito ng All Souls Day o Araw ng mga Kaluluwa bilang paggunita sa lahat ng yumao.
Ang dalawang araw na pangkultura at panrelihiyong tradisyon ay ginugugol ng mga Pinoy kasama ang pamilya, kamag-anak at iba pang malapit na miyembro ng angkan, at mga kaibigan.
Bago ang dalawang araw na parangal at paggunita sa mga santo at mga kaluluwa ay isinasagawa ang nakagawiang Halloween o Gabi ng Pangangaluluwa. Ang Oktubre 31 ay Bisperas ng Todos los Santos. Ang Araw ng Pangangaluluwa ay masayang atraksyon kahit ito ay nagpapamalas ng nakatatakot na maskara, mga costume, at mga dekorasyong katatakutan.
Ito ay taliwas sa paniniwala ng Simbahan Katoliko.
Ang tunay na paniniwala ay nagpapaalala na ang Oktubre 31 ay Gabi ng mga Banal (All Hallows’ Eve).
Ang gabing ito ay banal, para sa mga banal at para sa nagsusumikap nang mabuti para maging banal. Ang Halloween ay selebrasyon na hindi sumasamba sa mga demonyo. Ang Hallows ay nangangahulugan ng banal, kaya ang Halloween ay selebrasyon ng kapistahan ng All Hallows (all saints). Ito ang araw na ipinagbubunyi ng mga Katoliko ang pananaig ng Simbahan sa langit at ang buhay ng mga santo sa mundo. Hindi ito gabi ng dilim at lagim.
Nakasanayan na ang tradisyon, at ang mahalaga ay pinatitingkad ang selebrasyon at pinayayabong ang relasyon ng pamilya na sa ganitong mga okasyon nagkakaroon ng panahong magtipon-tipon.
Ang Undas ay naiibang tradisyon na naglalarawan ng diwa ng mga Pinoy. Ito ay selebrasyon ng buhay, ng kahulugan ng buhay at kamatayan, pananalig at pag-ibig. Ito ay nagpapaalala ng halaga ng paggalang sa ating nakaraan at pinagmulan.
93