KUNG meron mang nakagugulat na resulta sa pinakahuling survey na ginawa ng Pulse Asia hinggil sa nalalapit ng halalan sa Mayo 9, ay hindi ang mga numero dahil malayong-malayo pa rin naman sa mga kalaban niya si presidential frontrunner Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos na may 56% preference rating.
Ibig sabihin nito, anim sa bawat sampung botante ay tiyak nang iboboto si BBM samantalang iyong natitirang apat na botante ay pag-aagawan pa ng ibang mga katunggali niya.
Kumbaga, magtitiyaga na lang sina Leni, Isko, Manny, Ping at iba pa sa apat na natitira, at dahil konti na lang iyon ay tiyak na kailangang galingan nila nang husto, dahil kung sasablay sila ay baka mapunta pa kay BBM ang ilan sa mga iyon.
Pero gaya nga ng sinabi ko, hindi ang mismong resulta ng survey na isinagawa ng Pulse Asia noong March 17-21 na may 2,400 na respondents, ang nakagugulat.
Ang talagang nakasorpresa para sa taong bayan ay ang biglaang pagtanggap ng kampo ng mga kulelat na tulad nina Leni at Isko na lehitimo ang resulta ng survey.
Talagang nakagugulat ang reaksyon nila dahil parang kailan lang ay sinasabi ng mga kampo nila na peke ang resulta at nababayaran ang survey firms tulad ng SWS, OCTA, Publicus, Pulse Asia, Laylo at iba pa.
Nagtataka kasi sila at hindi nila matanggap na sa kabila ng paninira at black propaganda na ginagawa nila gamit ang online at traditional media ay hindi natitinag at mas lalo pang tumataas ang ratings ni BBM.
Kaya naman nagulat ang publiko nang nitong huling survey ng Pulse Asia ay biglang nag-diwang ang mga kulelat partikular ang kampo nina Leni at Isko.
Ang sabi ni Barry Gutierrez, spokesman ni Leni, “the tide is turning” na raw, dahil mula sa 18% noong nakaraang survey ay 24% na ang manok nila. Kaya naman kapani-paniwala na bigla para sa kanila ang nasabing survey.
Sinabi naman ng campaign strategist ni Isko na si Lito Banayo, na base sa resulta ay three-way fight na raw ang laban sa pagka-pangulo.
Parehong maraming paliwanag sina Gutierrez at Banayo kung bakit mas malakas na ang laban nila, pero sa huli ay alam naman ng mga tao na nagpapalakas-loob na lang sila.
Obligado naman talaga silang magtapang-tapangan dahil kung hindi ay baka iwanan na sila ng financiers nila at tuluyan nang isara ang gripo, wika nga.
At kapag nangyari iyon ay tiyak uuwi sila nang luhaan at sa kangkungan sila lahat pupulutin.
Ganoon pa man, natutuwa naman tayo dahil sa wakas ay natauhan na rin sila at tinanggap na nila na totoo ang resulta ng mga survey at ginagawa ito ng polling firms sa maayos, komprehensibo at siyentipikong pamamaraan.
Dahil diyan, siguro naman ay maluwag na sa kalooban nila na tanggapin kung ano man ang magiging resulta ng halalan sa Mayo 9.
Ayos!
82